Para kay Direk Mac Alejandre, mahusay para sa isang baguhang aktres si Miss World Philippines 2017 Laura Lehman.
Para sa ikalawang pelikula ni Laura, ang pansamantalang namahinga sa filmmaking na si Direk Mac ang nagdirek sa kanya sa The Annulment.
Bida sa The Annulment sina Lovi Poe at Joem Bascon.
Sa The Annulment, gaganap si Laura bilang si Trisha, ang best friend ng karakter ni Lovi na si Gari.
Sa media conference ng pelikula sa Quezon City nitong October 23, ikinuwento ni Laura na gaya ng tipikal na best friend, maraming pinakikialaman si Trisha sa buhay ni Gari. Kasama na rito ang relasyon ni Gari sa asawang si Sherwin (Joem).
Kinumusta naman ng entertainment reporters si Laura, 30, kay Direk Mac bilang isang baguhang aktres.
DIREK MAC IS A SELF-PROCLAIMED PAGEANT FAN
Sa umpisa, inamin ng direktor na “pageant fanatic” siya, at si Laura talaga ang pambato niya para maging Miss World Philippines 2017.
Pero bilang aktres, sinabi ni Direk Mac na handa siyang “tumutok” kay Laura noong nagsisimula pa lang sila sa shooting.
Ayon sa direktor, napabilib siya ni Laura dahil “she was doing it right” sa mga eksena nito.
Kuwento ni Direk Mac, “E, yung unang eksena, she was doing it right. So ayokong makialam, baka ma-conscious. Yung susunod na eksena, she was doing it right. Until the end she’s still doing it right.
“So ang ‘tutok’ was just to watch. I didn’t want to meddle kasi baka ma-conscious at mapagod ang atake.”
Sa kabuuan, inamin ng direktor na pasado si Laura sa kanya bilang baguhang aktres.
“She’s very good. Very, very good,” ani Direk Mac.
LAURA ADMITS FEELING “SCARED” TO WORK WITH DIREK MAC
Nagpasalamat naman si Laura sa sinabi ng direktor, at nagpakatotoo sa pag-amin na grabe ang pressure sa kanya na gawin ang The Annulment sa ilalim ng veteran filmmaker.
“Nakaka-pressure actually, sobrang scared ako nun,” pag-amin ni Laura, ipinaliwanag na alam niyang beterano sa industriya si Direk Mac.
“Actually I memorize my lines all the time, kasi siyempre nakakatakot.”
Paliwanag niya, “I didn’t want to be the reason that the movie was bad. I didn’t want to bring down the movie. I think that was my motivation.”
Unang napanood sa big screen si Laura sa Elise ni Janine Gutierrez, na ipinalabas February ngayong taon.
Samantala, tampok sa The Annulment ang relatable na kuwento ng isang mag-asawa na gagawin ang lahat upang tuluyan nang tuldukan ang kanilang pagsasamang legal.
Bukod kina Lovi, Joem, at Laura, kasama rin sa cast sina Myrtle Sarrosa, JC Tiuseco, Dianne Medina, Erika Padilla, Nikka Valencia, Manuel Chua, Nico Antonio, Matt Daclan, Jon Leo, Naya Amore, Johnny Revilla, at Ana Abad Santos.
Showing na ang The Annulment sa Miyerkules, November 13, produced ng Regal Entertainment Inc.
