Ang male balladeer na si Gari Escobar ang founder ng isa sa mga grupo o movement na naglalayong maging National Artist si Nora Aunor.
Pag-amin niya, "Opo, may ganun akong grupo—Nora Aunor For National Artist Movement.
"Gumawa lang po ako ng ganun kasi dati wala pa po."
Ano ang saloobin nila na hanggang ngayon ay hindi pa rin pinagkakaloob sa Superstar ang nabanggit na karangalan?
Aniya, “Hindi ko po gusto yung ganun na nangyayari. Malungkot ako dun kasi hindi tama, e. Hindi tama.
“Para sa akin hindi dapat ganun.”
Matibay ang paniniwala ni Gari na karapatdapat na hiranging National Artist si Nora.
Pakli niya, “Dapat talaga!”
Ayon pa kay Gari, marami pang ibang grupo o movement ang naglalayon na matuloy na ang paghirang kay Nora bilang National Artist.
CREATING AWARENESS
Ano ang ginagawa ng grupo ni Gari para maibigay na kay Nora ang parangal?
Tugon niya, “Sa ngayon po, tinutulungan po namin na… yung awareness ba? Pag may movie si Ate Guy, ganyan, kapag may project.
"For example, kagaya nung sa ABS-CBN na film restoration project.”
Noong 2012, ang pelikulang Himala ni Nora ay ni-restore at ni-remaster ng ABS-CBN Film Archives and Central Digital Lab.
Patuloy niya, “So sinusuportahan po iyan ng mga fans.
“Kasi ang mga Noranian, solid talaga yan!
“Yung tungkol po dun [sa National Artist award], kasi mukhang darating naman din po siya talaga sa kanyang time. Kasi di ba totoo naman na lahat ng bagay nangyayari in God’s time, e. Di ba po?
“Siguro iyon ang nakakapagpalubag sa loob ng mga…”
FAILED MMFF 2019 BID
Pero hindi ba napaglubag ang loob nila na hindi nakapasok ang Isa Pang Bahaghari sa Metro Manila Film Festival?
Lahad niya, “Hind rin namin inaasahan na ganun, e! Hindi namin inaasahan.”
Aminado si Gari na nasaktan sila sa pagkakaligwak ng pelikula ni Nora sa MMFF sa Disyembre.
“Pero siyempre, kasi dahil nga positive ano kasi ako, e... positive thinker.
“Advocacy ako kumbaga ng dapat move on ka lang, di ba?
“So, oo, sa umpisa siyempre na-disappoint, pero di ba?”
Sa tingin ni Gari, bakit hindi nakapasok ang pelikula ni Nora sa MMFF?
“Palagay ko po iniisip nila na sobrang dami na ng award ni Ate Guy, palagay ko po, na mabigyan naman natin ng chance yung iba, baka lang ganun.
“Para lang huwag ng sumama ang loob natin, di ba po?” at tumawa si Gari.
THE SUPERSTAR STILL SHINES BRIGHT
May nagtanong kay Gari kung ano ang reaksyon niya sa sinasabi ng iba na hindi na kasi kumikita ang pelikula ng Superstar.
Paglinaw niya, “Hindi naman ako naniniwala na ganun.
"Kasi actually, lalo na kapag indie film, ano po yan, e... maraming paraan para ang isang indie film kumita, di ba po?
“Ibebenta mo lang yung rights niya, di po ba? Sa TV, isa na yan. I-release po yan sa ibang bansa, di ba po?
“Puwede kang makipag-tie up sa mga foreign producers, hindi po ba, para magkaroon ng international release.
“Lalo na, Nora Aunor film iyan, hindi po ba? Mataas ang tingin sa kanya ng mga taga-ibang bansa.”
FUTURE MOVIE PROJECT
May plano raw si Gari na mag-produce ng pelikula na si Nora ang bida.
“Kaya lang sa ngayon, medyo inuna ko po muna ang album ko.
"Pero pangarap ko kasi yan, e. Gusto ko siyang ma-produce,” sabi niya.
At si Gari ang kakanta ng theme song ng pelikula kung sakali?
Pahayag niya, “Gusto kong makipag-collaborate sa isang direktor na mahusay, na ako yung magiging assistant director.
“Nag-aral ako ng Film, kay direk Brillante Mendoza po.
“Idol ko rin po iyan at saka mabait po siya.”
Malamang raw ay si Brillante ang kunin niyang direktor para sa Nora Aunor movie na ipu-produce ni Gari.
LAUNCHING HIS SINGING CAREER
Bakit ngayon lang naisipan ni Gari na pasukin ang pagkanta at maglabas ng album?
Pag-amin niya, “Noon, wala po siya sa pangarap ko talaga, e.
"Gusto ko lang kumanta, mahilig lang akong kumanta pero… kasi alam niyo naman, di ba?
"Hindi ko alam kung paano, e. Kung paano ako papasok. So parang ganun.
“Until na magkaroon ako ng chance na may friends ako na sabi nila, ‘Pare, gawin nating kanta iyan, i-record mo iyan!’
“Sabi ko, ‘Talaga? Maganda ba?’
“E, nagandahan po sila and nung pinresent ko kay Kuya Vehnee Saturno, nagustuhan niya po.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gari sa album launch niya noong November 15 sa Woorjib Home Of Korean Buffet sa Sct. Borromeo sa Quezon City.
Nilalaman ng self-titled album ni Gari na Gari Escobar, under Vicor Music & Video, ang mga kantang "Baguio," " Dito Sa Piling Ko," "Habang Nandito Pa Ako," "From Friends To Lovers," "Hanap Ko Pa Rin," "Ayoko Na Sa ‘Yo," "Ayaw Kong Makita Ka," "Hindi Ka Na Muling Mag-iisa," "Isang Halik Pa," "Masisisi Mo Ba," at "Lumaban Ka."
Karamihan sa mga kanta ay si Gari mismo ang sumulat. Ang ibang awitin ay likha naman nina Vehnee Saturno at Bong de Guzman.