Hindi na naaapektuhan si Sylvia Sanchez sa mga natatanggap niyang pamba-bash, lalo na nang mag-post ang aktres ng family dinner nila kamakailan kasama si Maine Mendoza.
Si Maine ang girlfriend ng panganay na anak nina Sylvia at Art Atayde.
Ayon kay Sylvia, ideya ni Maine ang dinner.
Tamang-tama raw na medyo maluwag na ang schedule ng Eat Bulaga! Dabarkad, at kinausap daw siya ni Arjo para ma-schedule ang dinner na iyon.
Lahad ng Kapamilya actress, “Matagal na dapat kami mag-dinner ni Maine, kaso masyado siyang busy. Ako din.
"So, hindi magkatagpo ang schedule namin—ako, Ria, Arjo, at saka siya.
“Okay, si Arjo sabi niya, ‘Mommy, sabi ni Maine, kailan ka ba libre? Kasi okay na siya ngayon. Tapos na yung movie, tapos na yung ganyan, yung ganito, medyo may time siya.'
“'Sige anak,' sabi ko. So, last Sunday yun sinet-up namin."
Patuloy ni Sylvia, “Matagal na namin gustong mag-dinner together.
"Kaso nga lang, after nung pumunta siya sa bahay nung ipinakilala ni Arjo...
“Nung unang punta kasi ni Maine sa bahay, nung ipinakilala siya ni Arjo.
"After that, hindi na nasundan kasi ang busy ni Maine. Hindi kami nagkatagpo.
“Cute naman ni Maine, kasi sabi niya [kay Arjo], ‘Jo, puwede na ba tayo mag-dinner with the family?'
“Siya yung nagbigay ng idea na, 'Mag-dinner tayo.'”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sylvia sa birthday party ng Beautederm CEO na si Rhea A. Tan nitong nakaraang Sabado, Nobyembre 23, sa Royce Hotel, Clark Freeport, Pampanga.
NOT AFFECTED BY BASHERS
Pero nang i-post ni Sylvia ang litrato ng dinner ng kanilang pamilya kasama si Maine, may ilang nam-bash sa kanya.
May nagsabing photoshopped daw yung litrato ni Maine, at kung anu-ano pang ibang pambabatikos.
Kaya sinagot ni Sylvia na puwede namang i-check sa Podium ang reservation nilang 8:30 ng gabi.
“Takot lang ako na mag-post na hindi naman totoo, di ba?” napapangiting pakli ni Sylvia.
Ang saya raw ng dinner na iyon na halos 11:00 ng gabi na sila natapos.
“Ang saya namin. Tawa lang kami nang tawa.
“Tawanan lang kami nang tawanan, bully-han nang bully-han!” natatawang pahayag ni Sylvia.
Kaya bakit pa raw sila magpapaapekto sa mga bashing, gayong masaya sila at nakikita niyang masaya si Arjo kay Maine.
“Bakit namin papatulan yung mga bashing? Hayaan mo na.
"Sinabi na nila lahat na masasakit na salita sa amin, okay na. Pabalik-balik na lang, e.
“Kung iisipin ko ang ibang tao, ang sasabihin ng ibang tao na magpapa-control ako sa ibang tao, hindi ako liligaya sa buhay ko.
“Wala na akong iilagan pa kasi bawal i-post kasi baka maba-bash. Bawal ganito.
"Kasi, hindi ako puwedeng diktahan kahit sino,” saad ng bida ng Pamilya Ko.
Nabanggit din ni Sylvia kay Maine ang pamba-bash sa kanila, pero hindi naman daw nila ito gaanong pinag-usapan.
“Actually, sinasabi ko lang, ‘Naba-bash tayo, hayaan na natin.' Ganun lang.
“Hindi talaga kami nag-uusap para dun. Kasi para ano? Sayang ang oras namin, masaya kami.
“Huwag na natin sirain. Hayaan mo sila, kasi wala silang mukha, e,” dagdag niyang pahayag.
Ang dinner na iyon lang daw ang pangalawang pagkikita nila ni Maine pagkatapos dalhin ni Arjo ang Kapuso star sa tahanan nila para ipakilala.
Ayon kay Sylvia, open siya sa posibleng sila naman ang mag-dinner kasama ang pamilya ni Maine. Pero hindi naman daw niya minamadali.
“I’m sure darating 'yan. Huwag na lang nating madaliin,” sabi niya.
