Hinarap ni Jimmy Bondoc, vice president for Corporate Social Responsibility Group ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang kabi-kabilang atake sa sistema ng pamamalakad ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PhiSGoc) sa paghahanda ng SEA Games 2019 na magsisimula sa Sabado, November 30.
Sa kanyang Facebook account, panay ang post ni Jimmy kung sa "Team Filipinas" daw ba tayo o sa "Team Talangka."
Ang ipinupunto niya kaugnay sa mainit na usaping ito, sana ay tapusin muna ang SEA Games bago umatake at mambatikos sa lahat na mali o pagkukulang sa paghahanda sa naturang sports event.
“Sabihin na po natin na kunwari lang na talagang may mali, sa palakad may pagkukulang.
“Sa isang bayan na we win as one… tama po ba na gawin lahat na paninita na 'yan bago magka-SEA Games? Iyon lang sa akin," pahayag ni Jimmy nang nakapanayam ng writer na ito sa radio program namin sa DZRH noong Lunes, November 25.
Patuloy niya, “Kasi para sa akin, sabihin nating maraming mali na nangyayari, hindi ba kaya ng taumbayan na hintayin?
“Di ba, parang halatang-halata naman na organized ang pagsira sa SEA Games.
“Mula kaldero, pati mga hotel na ma-late ng ilang oras, pinupuna.
“Samantala, yung mismong galing ibayong dagat at hindi naman nagrereklamo at nagsasabi pa nga sa interview na…
“Di ba, sabi kanina sa interview, sabi ng isang coach na sinasabi sa mga reporter sa ABS man o kung sino man, sabi niya ‘Ba’t niyo ba ako tinatanong tungkol sa maliliit na ‘yan, ayoko na pag-usapan ‘yan. Pag-usapan natin yung games,’” pakli ng dating singer.
Umayon si Jimmy sa tanong namin kung dapat bang imbestigahan ang mga nangyaring kapalpakan at ilang pagkukuwestiyon sa pamamalakad ng PhiSGoc, na pinamumunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Pahayag niya, “Dapat na dapat na dapat, for transparency and accountability… pagkatapos.
“Bakit? Kasi for example, merong malicious, ‘no? Meron lang malisyoso kunwari lang.
“‘Tapos meron siyang kukusa na pinu-photo finish na isang building halimbawa, pero hindi naman siya nag-cause ng damage sa SEA Games, kumbaga.
“Dahil huli siyang na-schedule… sila Vince Hizon halimbawa. Last nila ini-schedule kasi alam naman nilang huling kakailanganin ‘yan. Kaya ihuli na natin ‘yan.
“Hintayin nating pumalpak. Kung talagang pumalpak yung suma tutal nung SEA Games.
“Kasi we cannot judge the SEA Games on individual thing or happenings. Tingnan natin ang kabuuan.
“Alam mo ang tunog nito, tinatakpan ko. Hindi ko gagawin yun.
“Kung talagang may mali, mali. Pero hintayin natin ang kabuuan.
"Kasi, parang nagpapagawa ka ng bahay...
“Sinasabi sa akin ng lolo ko na pag nagpapagawa ka ng isang bahay, huwag mong sabihin sa ibang tao.
"Kasi sabihin ng ibang tao, ginagawa pa lang, ‘Alam mo dapat may kusina mo ganito, ang pinto…' Alam mo yun, walang makakadiskarte, e.
“Dun sa mga mga glaring na mistakes na sinasabi natin na may mga pagkukulang or whatever, ipunin.
“Ipunin natin ‘yan, lagyan lahat ng record, alamin kung ano talaga ang totoong nangyari, imbestigahan.
“Because, I really think, these people, the organizers at least have a right to be heard. Ano ba ang side nila?
“Kasi ang nangyayari ngayon, ma-post lang, totoo na,” mahabang litanya ni Jimmy.
NOT WORTH REACTING TO
Hiningan din namin si Jimmy ng reaksiyon sa ipina-trending na hashtag #SEAGamesFail.
Pero aniya, “That’s not even worth reacting to. Kasi may measure sila ng failure is before… ano ba 'yan?
“Personally, hindi ako napipikon sa totoo lang.
“Naawa ako sa mga kilala kong tao, na talagang nangangarap sila para sa Pilipinas.
“Kasi ang mangyayari na ‘yan sa SEA Games, from the reputation that it will build for us… and the infrastructure that it will leave behind in order for us to create a new city.
“May bago tayong city dun that will probably result to a decentralization of Manila, the creation of a new center of commerce, ang daming magandang mangyayari diyan.
“Pero they are calling it a failure basing it on kikiam, ‘no? Sa kikiam naka-focus,” napapangiti niyang pahayag.
Ayon naman sa pamunuan ng hotel, kung saan naka-check in ang mga atleta, hindi toong kikiam ang ipinakain sa mga atleta kundi chicken sausage.
Gustong iparating ni Jimmy ang mensaheng ito sa patuloy na tumutuligsa na binabansagan niyang “Team Talangka.”
“Alam niyo po, gusto natin lahat ng pagbabago, lahat tayo ‘yan.
“We want change, pero yung pagbabago ng kultura it does not have to take decades or whatever.
“Puwede nating gawin ngayon ‘yan, through mga SEA Games or kung ano pa man, sa mga eleksyon, mga key events sa buhay natin, puwede nating baguhin ang kultura natin.
“Yung SEA Games is not actually a problem. It’s an opportunity.
“Pag tayo maghintay man lang na matapos yung SEA Games… bago tayo magsitahan, napatunayan na agad natin sa sarili natin, 'A, hindi na pala tayo masyadong talangka.'
“Kasi ang failure po ng administrasyon na to will really be a failure of the entire nation and it’s just not for this year, it is…
“We have been trying nung panahong… bata pa ako pinag-uusapan na natin ang pagbabago na ‘to, walang nangyayari, at ngayon po nangyayari na unti-unti.
“Yung pipiliin mo na punahin yung mga maliliit, hindi talaga tayo uunlad kung ganyan.
“Ang feeling ko, uunlad at uunlad ang Pilipinas.
“Ang tanong, kung sasabay ka o hindi? That’s my belief.
“Because, I think, ang Pilipinas is unstoppable train. Papunta na siya sa economic progress.
“Ang tanong na lang sa inyong naiiwan pa at ayaw niyo maniwala, tutulong ka o magpapaiwan ka?” bahagi ng mahabang pahayag ni Jmmy.
