Kumpirmadong magpapaalam na nga sa ere ang Sunday PinaSaya (SPS) sa darating na December 22, 2019 matapos ang apat at kalahating taong pamamayagpag sa ere.
Ang Sunday PinaSaya ang kauna-unahang musical-comedy show sa Sunday noontime.
Kabilang sa mga main hosts nito ay ang GMA-7 talents na sina Ai-Ai delas Alas, Alden Richards, Jose Manalo, Wally Bayola, at Marian Rivera.
Paano kaya sinabi ng APT Entertainment, ang producer ng noontime show, sa kanilang mga talents ang malungkot na balitang ito?
Kuwento ni Michael “Mike” Tuviera, Chief Executive Officer (CEO) ng APT Entertainment, “Yung iba naman po ay nalaman na nila beforehand pero naging mandate ni Tatay [Antonio P. Tuviera] na puntahan po talaga sila after our show.
“Personal. Kasi naging rule po talaga namin yun na if you have to announce to everyone na, ‘Hanggang dito na lang po tayo, hanggang dito na lang po ang plano.’
“So pumunta po talaga siya, kumpleto po kami, yung mga producers at management, tapos po kami po ang kumausap, lahat po, hindi lang po sa mga hosts, pati mga crew, staff, lahat po.”
Unang umugong ang balitang mamaalam na sa ere ang SPS nitong nakaraang November 21 sa ulat ng Cabinet Files.
Ang Sunday PinaSaya ay nag-umpisa noong August 9, 2015 kung saan pinalitan nila ang station-produced na Sunday All Stars na nagwakas noong August 2, 2015.
Ayon pa sa ulat na na-publish dito sa PEP.ph, nalulungkot ang mainstays at production staff ng Sunday PinaSaya dahil sa nalalapit na pagwawakas ng kanilang weekly show.
Tanong namin kay direk Mike, nasaktan ba sila sa hindi na pag-renew ng kontrata nila ng GMA management?
Ayon sa kanya, hindi naman daw dahil nakadepende lang talaga sila sa kontrata na meron sila.
Masaya nga din sila kahit papano ay magpapalam sila sa ere na mataas ang ratings at maraming commercials.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang piling media si Direk Mike sa contract signing ng APT Entertainment at Cignal para sa partnership nila sa paglulunsad ng all-new 24/7 local comedy channel na BuKo (Buhay Komedya) nitong nakaraang Miyerkules, November 27.
Ang BuKo Channel ay magbubukas sa ikalawang bahagi ng 2020 kung saan mapapanood ang mga dating palabas ng APT Entertainment at TV5 na Iskul Bukol, Wow Mali, LokoMokoU, at iba pang Eat Bulaga! segments katulad ng "Little Miss Philippines," "Pinoy Henyo," at marami pang iba.
IT’S SHOWTIME VS. EAT BULAGA
Bukambibig naman sa mga hosts ng It’s Showtime ng ABS-CBN na institusyon na talaga ang Eat Bulaga! ng APT Entertainment at GMA pagdating sa daily noontime show.
Apat na dekada na sa ere ang Eat Bulaga! samantalang isang dekada pa lang ang It’s Showtime.
Kaya naman, hindi maiwasang mababanggit sa programa ng Kapamilya network ang paghanga nila sa Kapuso noontime show.
Kuwento ni Direk Mike, “Ay, ano that’s great. Ang sa akin naman kasi yung mga network wars naman po that’s more of a marketing thing.
“That’s more of a marketing issue, and sa creative.
"I have utmost respect po sa...Kumbaga ang hirap po ng ginagawa ng mga partners namin sa kabila.
“We have collaborations and partnerships with all networks so naintindihan namin, ‘Naku ang hirap ng mga ginagawa, mag-away away pa ba tayo?’
“Ang hirap na nga ng trabaho, ang hirap na nga ng industriya with all the challenges that we are facing.
“Parang I understand yung issues about network wars pero at the end of the day we’re all in one ship.
“At the end of the day, naiintindihan ng taga-production ang mga hinaing at challenges ng mga taga-production din.”
