Itinodo ni Matteo Guidicelli ang pagiging sweet sa fiancée na si Sarah Geronimo nang dumalo sila sa kasal ng nakababatang kapatid ng aktor na si Giorgia.
Animo'y newlyweds din ang engaged couple nang magpakuha sila ng litrato kunsaan hinalikan ni Matteo si Sarah sa pisngi.
Base ito sa litratong ibinahagi ni Matteo at ni-repost sa Instagram ng avid supporters nila ni Sarah.
Mahigpit din ang pag-holding hands nina Sarah at Matteo habang nagdu-duet sila ng "My Destiny."
Kahit noong nakapagpalit na sila ng casual wear at muling nag-perform sa harap ng guests ay hinalikan muli ni Matteo sa bandang sentido si Sarah.
SARAH'S PRACTICALLY A GUIDICELLI
Tila excited na talaga si Matteo na makasal sila ni Sarah.
Proud na ipinost ni Matteo ang group picture nila kasama ng newlyweds na sina Giorgia at Ina.
"My family," simpleng caption ni Matteo.
Minsan nang naikuwento ni Matteo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na noon pa man ay "very close" na si Sarah sa kanyang pamilya.
Kaya lalo raw siyang na-touch nang ginawang maid of honor si Sarah ng kanyang kapatid na si Giorgia.
EMOTIONAL SARAH
Emosyunal naman si Sarah sa kanyang maid of honor speech.
Sinamahan pa siya ni Matteo, na nakayakap sa balikat ng Popstar Royalty, para mabawasan ang kaba nito.
Ayon kay Sarah, ipinaramdam talaga sa kanya ni Giorgia na welcome siya sa pamilya Guidicelli umpisa pa lang ng relasyon nila ni Matteo.
"I wanna thank you for treating me... Ay, mali! Kita niyo na, mali pala. I'm shaking, e. Teka lang," kabadong saad ni Sarah.
Patuloy niya, "I want to thank you for this opportunity for being kind to me.
"For treating me like a friend ever since Matt introduced us through a video call."
Saksi rin daw si Giorgia sa highs and lows ng relasyon nina Sarah at Matteo.
Malaki ang pasasalamat ni Sarah dahil hindi raw napagod sa kanyang makinig si Giorgia.
"Thank you for not judging me Giorgia. For being someone I can always turn to when things get rough with your nakababatang kuya, and also for being patient with your nakababatang ate.
"Kasi older po ako kay Giorgia. Thirty-one na po ako mga kaibigan."
Sa huli, may special shoutout din si Sarah para sa bunsong kapatid ni Matteo na si Paolo Guidicelli.
Sana raw ay mag-speech din si Sarah kapag ikinasal si Paolo paglaki nito.
