Mahigit 50 years na sa showbiz si Roi Vinzon, na nakatanggap ng star sa unveiling ng Kapuso Walk of Fame noong nakaraang Huwebes, December 12, sa GMA Network Center, Quezon City.
Halos maiyak ang 66-year-old actor nang makita niya ang pangalan niyang nakaukit sa star ng Kapuso Walk of Fame.
"Hindi ko alam ang magiging pakiramdam ko, kasi ang tagal ko na ngang artista, pero ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Iba pala kapag nakikita mo ang pangalan mo na nasa loob ng isang star.
"Hindi ko alam kung maiiyak ba ako o matutuwa, kasi iba ang pakiramdam ko. Basta masaya ako at sobra ang pasasalamat ko sa importansya na binigay sa akin ng GMA-7."
Nagsimulang mag-artista si Roi noong 1971 sa Nora Aunor-starrer na Si Waray At Ang Talyada.
THANKFUL KAPUSO
Taong 2014 noong pumirma ng exclusive contract si Roi with GMA-7 pero nakalabas na siya sa ilang teleserye tulad ng Babangon Ako't Dudurugin Kita (2008) at Indio (2013).
"GMA was first to give me a break sa paggawa ng teleserye.
"Noon kasi, puro movies lang ako and then I crossed over to television and GMA offered me to do a teleserye. Nagustuhan ko naman at nasundan pa ng isa. Hanggang sa maging exclusive na ako sa kanila.
"Wala akong reklamo sa mga binibigay nilang roles sa akin. I guess the best I did was My Husband's Lover. Doon ko na-feel na I was being taken care of by this TV station.
"Kahit na anong role pa ang ibigay nila sa akin ay approved ako. Hindi ko sila kinukuwestyon.
"Dito rin nga sa GMA, first time akong gumanap na gay sa sitcom na A1 Ko Sa 'Yo. Yun ang masasabi kong my most controversial role!" malakas na tawa pa niya.
HEALTHY LIFESTYLE
Marami pa ring bumibilib sa magandang pangangatawan ni Roi. Alaga sa workout at diet ang aktor.
"Nasa routine ko na everyday ang mag-workout. Kapag hindi ako makapag-workout, para akong lalagnatin.
"I also do martial arts para maayos pa rin ang pagkilos natin. Mahirap na yung parang tumitigas ang mga muscles mo.
"I do weightlifting to burn calories and fat. Kapag gumagawa ka ng teleserye kasi, napapalakas ang kain mo sa puyatan. Kaya you need to burn them sa workout.
"And I sleep early kapag wala akong taping. Hindi na tayo mahilig magpuyat unless taping, pero I manage to sneak in yung tinatawag na power nap."
Wala na raw bisyo si Roi. Matagal na raw niyang tinigil ang kanyang bisyo sa paninigarilyo.
"I was a habitual smoker before. Ngayon, hindi na.
"Because may naramdaman akong hindi maganda sa puso ko. Bigla ko na lang siyang itinigil.
"Okey naman at hindi ko na hinanap ang paninigarilyo. Kaya naman pala nating itigil ang isang bisyo kapag gusto natin. Lalo na kapag may nararamdaman na tayo na hindi maganda, tigil na iyan. Health is wealth, di ba?"