Pinagmumulta ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) ang GMA Network at ilan pang kumpanya ng P890,000 kaugnay ng aksidenteng ikinasawi ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.
Batay sa imbestigasyon ng DOLE-NCR, nilabag ng network ang tatlong probisyon sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS) sa insidenteng kinasangkutan ng 90-anyos na actor-director noong June 8, 2019.
Una, bigo ang GMA-7 na mai-report sa DOLE sa loob ng 24 oras ang on-set accident.
Pangalawa, walang safety officer.
Pangatlo, wala ring first-aid responder sa location ng taping, ayon sa order ng kagawaran na isinapubliko nitong Lunes, Disyembre 23.
September nang unang tukuyin ng DOLE ang tatlong OSHS violations ng GMA-7.
Punto-por-punto na sinagot ng network ang mga ito.
Gayunman, sa bagong order kahapon ay nanindigan ang kagawaran sa violations ng Kapuso network.
OCCUPATIONAL SAFETY AND HEALTH LAW VIOLATIONS
Nakasaad sa DOLE order: “GMA failed to consider the age of Mr. Eddie Garcia and ensure the safety of the shooting location.
“GMA even failed to provide or assign competent safety officers and first aiders at the shooting location.
“As such, we find that GMA violated Section 14 of D.O. No. 198 for its failure to deploy or designate safety officers and first aiders at the workplace.
“On the employment or designation of a certified first aider pursuant to Section 15 of D.O. No. 198, we also find GMA liable.”
Sa pagtukoy sa kabiguan ng network na mai-report kaagad sa DOLE ang aksidente, binanggit ng kagawaran na mismong ang kumpanya ay umaming July 5 nito isinumite ang incident at injury reports—o halos isang buwan matapos ang aksidente.
“Clearly, respondent GMA violated Section 6, Rule VII, D.O. No. 183,” saad pa sa DOLE order.
Dahil dito, may kabuuang P890,000 administrative fine ang pagtutulungang bayaran ng GMA-7, ng Enhanz Aerial Photography at/o ng Alpha Premier Transport Services, ng Gapo Special Effects Services Inc., GMA 7 Multi-Purpose Coop, Renteqaire Enterprises, CMB Film Services Inc., at Shoot Digital Video Company.
Ang DOLE order ay may petsang December 2, 2019, at pirmado ni DOLE-NCR Director Atty. Sarah Mirasol.
GMA APPEALS TO LABOR CHIEF
Sa official statement na inilabas ng GMA-7 kahapon, December 23, kinumpirma ng pamunuan ng network na natanggap na nito ang kopya ng DOLE order.
Sinabi ng GMA-7 na umapela na ito kay Labor Secretary Silvestre Bello III “seeking to annul and reverse the said Order.”
“GMA will proceed with the necessary steps as soon as the DOLE resolves its appeal,” bahagi pa rin ng pahayag ng network.
ACCIDENT AND DEATH
June 8 nang mapatid sa kable ang 90-anyos na actor-director habang nagte-taping ng teleseryeng Rosang Agimat sa Tondo, Manila.
Nagtamo ng neck fracture si Eddie, at na-comatose.
Pagsapit ng June 20, tuluyan nang binawian ng buhay ang legendary actor.
Makalipas ang ilang linggo, nagpasya ang GMA-7 na i-shelved na ang Rosang Agimat.