Galing sa party sa isang bar-and-resto sa Brgy. Kamuning, nagulat sina Barbie Forteza at mga magulang niya nang madatnan nila ang kanilang puting Toyota Fortuner na basag na ang salamin ng pinto ng front passenger-side nito.
Bagama't may CCTV footage ng pangyayari, malayo naman at halos hindi makilala ang mga salarin sa krimen.
Nakuha mula sa kanilang sasakyan ang bag ng ina ni Barbie na si Mommy Amy Forteza. Mabuti na lang daw at walang importante o mamahaling gamit na nasa bag.
Gayunpaman, dismayado sina Barbie sa pangyayari.
Reklamo ni Mommy Amy, "Gano'n na lang? Lagi na lang ang tao e hindi puwedeng... hindi safe bumaba ng sasakyan? Hindi safe mag-iwan ng sasakyan?
"Sisihin pa kami, 'Bakit po kayo diyan nag-park? Madilim,'" patuloy ng ina ni Barbie habang suporta naman ang boyfriend ng Kapuso actress na si Jak Roberto na kumokomento ng "Lagot!"
Kinunan ng video ni Jak sina Barbie at Mommy Amy at ginawang content ito ng kanyang vlog.
Mabuti na lang daw at walang nasaktan.
May mensahe naman si Jak sa nambasag ng salamin ng kotse nina Barbie.
"Grabe naman kayo. Wala na talaga kayong pinipili," ani Jak.
Hindi raw nag-file ng formal complaint sina Barbie sa baranggay officers at mga pulis na rumesponde sa kanila.
Gayunpaman, may babala ang Brgy. Kamuning office sa lahat ng pumupunta sa kanilang lugar, na mag-ingat na lamang sa pagpa-park ng kanilang mga sasakyan.
Nanawagan na rin ang baranggay sa mga establisyamento sa paligid na mag-provide ng CCTV para na rin sa kapakanan ng mga customers ng mga ito.