Nagbabala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) tungkol sa hindi pagrespeto sa Pambansang Awit, ilang araw matapos na muling kumalat online ang video ng YouTuber na si Bretman Rock, na nag-twerk sa saliw ng “Lupang Hinirang.”
Ito ang nakasaad sa notice to the public na ipinost ng NHCP sa official Facebook page nito noong Biyernes, January 3.
Ang post ng komisyon ay tugon sa “complaints sent to NHCP regarding a video uploaded on a social media platform showing a man dancing while the National Anthem was being played.”
Bagamat walang direktang banggit ang NHCP kay Bretman, iniugnay ng netizens ang Fil-Am YouTuber sa post.
Ilang araw pa lang kasi ang nakalipas nang muling sumulpot sa Facebook at YouTube ang lumang video ni Bretman habang sinasayaw at nili-lip sync ang “Lupang Hinirang.”
May punto pa sa video na ilang segundong nag-twerk ang 21-anyos na Internet sensation.
A VIOLATION OF FLAG LAW
Sa pahayag ng NHCP, idinetalye nito ang Section 43 ng Flag and Heraldic Code of the Philippines o Republic Act 8491, na nagsasaad na “the National Anthem shall not be played or sung for mere recreation, amusement, or entertainment purposes.”
Batay sa naging pagsusuri sa inireklamong video, kinumpirma ng komisyon na may “violation of the Flag law.”
Ayon sa NHCP, ang paglabag sa Flag law ay may karampatang fine na mula PHP5,000 hanggang PHP20,000 o pagkakakulong ng hindi lalampas sa isang taon.
At press time, wala pang reaksiyon si Bretman sa pahayag ng NHCP.
BRETMAN'S THREE-MONTH OLD VIDEO
September 2019 nang in-upload ni Bretman sa kanyang Instagram Stories ang naturang video.
May 13.9 million followers si Bretman sa Instagram.
Bagamat kaagad ding na-take down ang video, muli itong sumulpot online nitong December 30.
Maraming netizens ang umalma sa video ng Hawaii-based vlogger, pero mayroon ding nagtanggol sa kanya.
Ang Twitter user na si @andrengsam, iginiit na luma at burado na ang kontrobersiyal na video ni Bretman.
Sa tweet ni @andrengsam nitong December 30, ipinost niya ang naging conversation kay Bretman nang paalalahanan ito na ipinagbabawal sa Pilipinas ang ginawa ng vlogger sa video.
I just want to inform y'all, the video of Bretman singing and disrespecting our national anthem on his story was 3 mos ago. and he deleted it immediately and HE APOLOGIZED IMMEDIATELY. I HOPE U CONSIDER THAT. pic.twitter.com/mUclEs4Yzh
— andreng (@andrengsam) December 30, 2019
BRETMAN SAYS SORRY
Mabilis na binura ni Bretman ang video, at sa kanyang reply, inamin ng YouTuber ang naging pagkakamali at humingi ng paumanhin.
Saad sa reply ni Bretman kay @andrengsam: “Thank you so much for understanding, I can promise you it will never happen again, I take full responsibility and I truly am so sorry (two hearts, sparkles emojis).”
Thank you so much for understanding, I can promise you it will never happen again, I take full responsibility and I truly am so sorry ?????
— Bretman Rock ???? (@bretmanrock) December 31, 2019
Tubong Cagayan si Bretman, na walong taong gulang nung mag-migrate sa Hawaii ang kanyang pamilya.
Sumikat siya sa mga nakakaaliw na vlogs tungkol sa fashion at iba pa, at noong Nobyembre 2019 ay kinilalang Favorite Beauty Influencer for 2019 sa E! People's Choice Awards (PCA) sa Los Angeles, California.
