Mukhang hindi maiwasang magbiro ni Maja Salvador sa balitang in-unfollow ni Julia Barretto ang ex-boyfriend nitong si Joshua Garcia at ang kanyang close friend na si Janella Salvador.
Aminado si Maja na panay ang tukso niya kina Joshua at Janella off-cam.
Sina Joshua at Janella ang magkatambal sa ABS-CBN prime-time series na The Killer Bride, na pinagbibidahan ni Maja Salvador.
Noong Biyernes, January 17, 2020, sabay-sabay na pinanood ng cast at staff ang huling gabi ng The Killer Bride.
Makikitang tili nang tili si Maja nang umere ang sweet kissing scene nina Joshua at Janella sa programa.
Sa afterparty, kilig na kilig si Maja habang tinutukso sina Joshua at Janella.
Kumakanta sa stage si Janella habang nasa audience naman sina Maja, Joshua, at ang co-star nilang si Geoff Eigenmann.
Sabi ni Maja kay Joshua, "That’s your Emma or that's your baby?"
Emma ang pangalan ng character ni Janella sa The Killer Bride.
Napapangiting sagot ni Joshua, "That’s my baby."
Sang-ayon ni Maja, "Okay, your baby is your baby."
JOSHUA DEDICATES SONG TO HIS "BABY" JANELLA
Maya-maya pa ay inudyukan ni Maja na sabayan ni Joshua sa performance si Janella.
Binigyan pa niya ng pointers si Joshua.
"Umuwi ka na baby ang kantahin mo. Sabihin mo, 'Ikaw ang aking baby.'"
Napapangiti si Joshua, na mukhang sang-ayon naman sa idea ni Maja.
Hirit naman ni Geoff na panay ang video sa kanila, "Yun, o! May kanta ka na ba?"
Hanggang sa inakay na ni Maja si Joshua papuntang stage kunsaan kakatapos lang ni Janella mag-perform ng kanta.
Sa puntong ito, idinedicate ni Joshua ang kantang "Beer" kay Janella. Sa kantang iyon, may lyrics na "umuwi ka na baby."
"Itong kantang 'to ay para sa aking baby," sambit ni Joshua sa mic.
Sa hiwalay na video, makikitang nag-back hug si Joshua kay Janella na napangiti pero tuloy lang sa pagkanta.
Narito ang close-up video ng duet nilang dalawa:
MAJA ON JULIA-JOSHUA UNFOLLOW ISSUE
Pero hindi magkamayaw sina Maja at iba nilang mga katrabaho sa kilig.
Nakunan ni Geoff ng video si Maja nang magbiro itong baka may mag-unfollow sa kanya sa Instagram.
"Wooo! Maa-unfollow ako nito! Yeah!" pabirong sigaw ni Maja.
May isang humirit, "Na-unfollow ka na nga!"
Sabi pa ni Maja, "Kaka-push ko..."
Sa puntong ito ay nakitang ang kausap niya ay si Mico del Rosario ng Star Cinema.
Ani Mico, "Kaka-push, ma-unfollow tayong lahat!"
Narito ang kabuuang video ng kulitan nina Maja, Joshua, Janella, at iba pa nilang kasamahan.
]]
Hindi tuwirang binanggit ni Maja, pero hindi kaila sa mga nakakasubaybay sa isyu na may kinalaman ito sa ex-girlfriend ni Joshua na si Julia Barretto.
Kamakailan lang ay naiulat ang pag-unfollow ni Julia kina Joshua at Janella sa Instagram.
Napansin din noon ng netizens na burado na sa Instagam ni Julia ang mga litrato nila ni Joshua, maliban na lang kung publicity material ang litrato.
Hirit ng isang netizen, "updated" daw pala si Maja sa "controversy" kinasasangkutan nina Joshua, Julia, at Janella.
Kasabay ng pag-unfollow ni Julia kay Joshua, nag-post ang aktor sa Instagram na nagpapasalamat siya dahil naging mabuting kaibigan niya si Janella.
Si Janella ay malapit na kaibigan ni Julia, pero hindi malinaw kung nagkaroon ng alitan ang dalawa.
Sa kabilang banda, in-unfollow din ni Julia ang ilan pa sa mga kilalang kaibigan niya sa showbiz na sina Dominic Roque, Gabbi Garcia, Khalil Ramos, at Patrick Sugui.
