Makikisaya ang Parokya ni Edgar, Sponge Cola, Gloc-9, Shanti Dope, Ex-Battalion, Darren Espanto, Angeline Quinto, Janine Berdin, at iba pang OPM acts sa Chinese New Year Countdown 2020 Street Party ngayong Enero 24, Biyernes.
Pwedeng makiparty ang fans mula 7:00 p.m. hanggang 12:00 midnight sa Plaza San Lorenzo Ruiz ng Binondo, Manila.
Darating din ang iba pang mga artista mula sa ABS-CBN tulad ni Joshua Garcia at mga GMA-7 talents na sina Derrick Monasterio at Rita Daniela.
Magkakaroon ng 30-minute fireworks display sa pagsalubong sa Year of the Metal Rat.
Sa January 25, Sabado, isang Grand Float Parade ang matutunghayan mula Binondo hanggang Sta. Cruz.
Taun-taon ay kilala ang Binondo sa pagdiriwang ng Chinese New Year, pero ngayong taon daw ang masasabing pinakamalaki at pinakapaboloso. Mismong ang Manila Mayor na si Mayor Isko Moreno ang nag-atang sa Filipino-Chinese General Chamber of Commerce Inc. (FCGCCI) at Manila Chinatown Development Council na mamuno ng event.
Inaasahan na mahigit 10,000 katao ang posibleng dumating. Nakahanda naman daw lahat tulad ng 700 pulis para masigurado ang kaligtasan at seguridad ng lahat. May mga portable toilets din.
"This is the biggest Chinatown in the world,” saad ni Dr. James Dy, ang Chairman Emeritus of Filipino Chinese Chamber of Commerce.
Nagkaroon ng press conference para sa naturang event sa opisina ng Universal Records noong January 21 kunsaan dumalo ang dalawa sa performers na sina Yael Yuzon at Shanti Dope.
Tinanong namin ang dalawa kung bilang mga Pinoy, pina-practice nila at ipinagdiriwang ang Chinese New Year.
“Ako, naoobserbahan ko lang. Nakikikain pa nga ako,” biro pa ni Shanti.
Sagot nama ni Yael, “Kami kasi, we are usually part of the celebration. We’ve done it before, pero nasa confine ng isang mall. So, ito iyung first time na parang street party. At maganda rin iyung idea ng street party na sa Binondo ninyo gagawin.
“Parang the street itself, may kuwento na agad ‘yan. Parang years and years of friendship na meron tayo. Parang it’s more festive this way. We’re really excited about it.”
