Hindi na napigilan ni Klea Pineda ang mapaluha at maging emosyonal habang ikinukuwento kay Cata Tibayan ng 24 Oras ang tungkol sa pinagdaanan niyang depression at self-doubt.
Aniya, "Ang daming challenges na dumating sa akin. Dumating sa point na gusto ko nang mag-change ng career. Kasi baka, sabi ko kay Lord, 'Lord, bigyan mo 'ko ng sign kung dito talaga 'ko.
"And then, binigay niya sa 'kin 'to, yung Magkaagaw. And then yung pinanghahawakan ko na, 'May plan ka sa 'kin,' sabi ko Kanya," patuloy ni Klea.
Ang Magkaagaw ang Sabado Star Power sa Hapon drama series ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon at Sheryl Cruz. Kasama sa supporting cast si Klea.
Sa Magkaagaw, niloko ng gumaganap na asawa niyang si Jeric Gonzales ang character ni Klea. Pero sa kabila nito, tumayo raw ito muli sa mga pagsubok at dama raw ni Klea ang internal strength ng ginagampanang role.
"Your time will come, and if that day comes, sobrang maa-appreciate mo. Kasi alam mo sa sarili mo na, pinaghirapan mo siya," tila pagkukumpara ni Klea sa kanyang character at sa sarili na dumaan din sa pagsubok.
Payo naman ni Klea sa kapwa millennials na dumaraan sa depression at self-doubt: "Kailangan mahalin mo yung sarili mo, bago mo gustuhin mo na mahalin ka ng mga tao.
"Ikaw lang yung sobrang nag-o-overthink. Sobrang dapat iniiwasan mo yun. Kailangan pansinin mo kung ano yung magagandang nangyayari sa buhay mo," payo pa ni Klea.