Natutuwa si Jake Ejercito sa buhay na pinili ng ex-girlfriend niyang si Andi Eigenmann—ina ng kanyang eight-year-old daughter na si Ellie.
Ilang taon nang naka-base sa Siargao si Andi sa piling ng kanyang live-in partner, ang professional surfer na si Philmar Alipayo, at kanilang six-month-old daughter na si Lilo.
Bagamat may showbiz projects paminsan-minsan si Andi, sa Siargao pa rin ito umuuwi.
“I’m very proud of her actually dahil tinalikuran niya ang show business for a simpler life. For as long as she’s happy,” sambit ni Jake.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jake sa presscon ng pelikulang Coming Home noong Enero 23, Huwebes, sa Discovery Suites, Ortigas Center.
Sabi pa ni Jake: “I’ve met baby Lilo, napaka-cute.
"Nag-celebrate ng birthday niya si Ellie, dinala ni Andi yung baby niya, then na-meet ko na.
“And si Ellie, very excited to be an ate.
"Sabi ko sa kanya, sorry, hindi ko pa siya mabibigyan ng kapatid. Nauna na si Andi.”
Patuloy ng anak nina dating President Joseph Estrada at Laarni Enriquez, “Since meron na siyang baby sister kay Andi, sinasabi niya, gusto niya, baby brother.
“Kasi, she’s already eight na rin. Nandoon na yung responsible na siya, gusto na rin niya siguro to be an ate.”
Sabi pa ni Jake, parang magkabarkada sila ng anak niyang si Ellie.
“Kami ni Andi, we were 21 [years old] nang ipinanganak si Ellie, medyo magkabarkada yung relationship namin ni Ellie.
“Parang kahapon nga, nagbibihis ako, pinuna niya yung suot ko, hindi raw bagay yung sandals sa top ko. Parang ganoon.”
CO-PARENTING STATUS
Madalas na pinu-post ni Jake sa Instagram ang pagsasama nila ni Ellie, isang indikasyon na walang problema si Jake sa karapatan nitong makita at makasama ang anak.
“Andi and I have a schedule to follow,” pagbahagi ni Jake.
“Yung result ng out-of-court settlement, we just stick to that schedule.
"Parang every other week si Ellie sa akin.”
Nadadala niya sa mga out of town at abroad si Ellie?
“Yes, with Andi’s permission,” mabilis nitong sagot.
"Two weeks from now, we’re going to fly to Japan, kasama yung mga siblings ko at mga pamangkin. Family rin siya.
“Excited si Ellie, kasi first time niyang makakakita, makakahawak ng snow, kaya doon kami pupunta.”
REALIZATIONS ABOUT FATHERHOOD
Marami raw na-realize at natutunan si Jake nang maging isang young father.
“Yung buhay ko, nag-180-degree turn for the better. Bigla akong naging responsible.
“Kasi, hindi na lang sarili ko ang iniisip ko. I have to think of the future of my daughter.
“Yung responsibility mo sa life, yun ang nagbago sa akin.”
Kaso, tumamlay ang kanyang love life?
Natawa si Jake, “As of now, Ellie is enough.
"I don’t long to be in a relationship, at least not yet.
"Siguro, darating din tayo diyan.
"Pero right now, hindi ko pa talaga iniisip.”
Wala ba siyang marrying age?
Sagot agad ni Jake, “Noong bata-bata ako, pag 30, dapat ikakasal na ako.
"Pero ngayon, single pa rin ako. Wala namang deadline.
“No self-imposed deadline.”
Si Jake ang humahawak ng negosyo ng kanilang pamilya. Nag-iisip na ito ng solusyon para mahati ang oras niya sa showbiz at pagma-manage ng kanilang business.
“Yun na nga, kailangan kong i-train si Jacob, yung younger brother ko, para if ever, may makatulong.
"He’s turning 24. Ako, turning 30 this March."
