Wala na sa listahan ng bagong kasal na sina Mikael Daez at Megan Young ang “honeymoon.”
Marami na raw silang naging travel sa loob ng siyam na taon ng relasyon nila.
“Wala na, wala nang honeymoon!” natatawang sabi ni Mikael.
“Sa lahat ng mga naging biyahe namin ni Megan, pinag-usapan namin na, 'You know what, we don’t need a honeymoon. Baka kung may biyahe tayo next month, baka ito yung sabihin natin na honeymoon.'
"Pero wala na yung planong, ‘eto.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mikael noong Enero 28, Martes, sa media conference ng bago niyang primetime series sa GMA-7, ang Love of My Life, January 28.
Ngayong mag-asawa na sina Mikael at Megan, pareho pa rin ang dream travel destination nila—ang South America.
“Hindi namin mapuntahan, kasi ang layo talaga, e. Yun pa rin sana.
"Kasi, maraming coffee mountains doon, and, alam niyo naman, mahilig kami sa kape. We love to be able to visit there.
“Same problem naman ang obstacle namin doon—time and money.
"It takes a lot of time and money to get there. At kailangan, maganda ang timing.”
Kasunod ng kasal ay ang tanong kung plano na nilang magkaroon ng anak.
“I guess at this moment, not yet,” saad ni Mikael.
“But you’ll never know, marami rin nagsasabi ng hindi kami magkaka-baby, biglang nagkaka-baby.
"So, we’ll see, bahala na.”
TWO WEDDINGS
Dalawang beses ikinasal sina Megan at Mikael matapos ang limang taong engagement.
Una, legal wedding noong January 10 sa Caleruega Church sa Batangas.
Ikalawa, noong January 25 sa Subic, Zambales, na naging selebrasyon na kasama ang mga malalapit nilang kaibigan at pamilya.
Lahad ni Mikael, “Yung 25, may church wedding pa rin naman.
"Kasi, gusto talaga namin, January 25, nagkaroon lang ng aberya sa mga requirements.
“Nahirapan kami, kasi malayo ang Subic.
“So, sige, let’s have a legal wedding at Caleruega na lang na mas malapit.
"And we knew someone there already, so tinulungan na lang kaming ayusin ang lahat.”
CALERUEGA WEDDING
Yung Caleruega wedding nila, sampu lang daw sila roon.
Wala roon ang ibang kapatid niya, na noong January 25 na lang nakadalo, maging ang dalawang kapatid ni Megan na sina Victor at Lauren Young.
Dalawa lang din ang sponsors nila.
“Pumili lang kami ng dalawang sponsors, non-showbiz, kasi kailangan, e. One pair lang.
"Wala rin kaming bestman, wala kaming mga ganun."
Nagkataon din daw na pareho sila ng gusto ni Megan, pareho sila ng ideya sa kung anong kasal ang gusto nila.
Ayon pa kay Mikael, “I think ang maganda rin sa wedding planning namin ni Megan, hindi siya naging stressful dahil alam namin kung ano ang gusto namin.
“Siyempre, we respect tradition. May bestman ka, may ganito, may ganyan.
"Pero kami ni Megan, we feel na hindi namin kailangan yun para maipakita namin ang pagmamahal namin sa isa’t isa.”
NOT A SECRET
Nilinaw ni Mikael na wala silang intensiyon ni Megan na itago ang pagpapakasal nila.
Hindi lang daw talaga sila maingay.
Saad niya, “Kasi, marami rin naman kaming kausap.
"We have to talk to our friends and family, suppliers who helped us mount the wedding.
“Actually, kung ayaw mo naman talagang maging maingay, yung universe, tutulungan ka.
"It will conspire to give you what you want and, I think, iyun naman talaga ang nangyari.
“We did keep quiet about it, and then, sinabi namin na on the day itself, 'Doon na lang natin i-post.'”
Sa mga nakaraang interview nila ni Megan, sinabi nitong wala pa silang ideya kung saan sila magpapakasal, kung anong klaseng wedding ang talagang gusto nila.
“Totoo talaga yun, we still don’t know,” pagdidiin ni Mikael.
“I think, middle of last year na talaga yung naisip namin kung ano ba talaga ang gusto namin.
"And all the way up to December last year, a month ago, hindi pa finalized.
“So, parang ang dami pang moving parts, but at the end of the day, I can honestly say and I can also speak for my wife, Miss Megan Young-Daez...
"So, I can also speak for her na it’s so much fun.
“It’s such a beautiful weekend. It’s a weekend check, and napakasaya lang namin talaga.”
LOVE OF MY LIFE
Sa isang banda, ibang Mikael ang mapapanood sa kanya ngayon sa Love of My Life. Sobrang gusto niya ang kanyang karakter dito.
“I love it, I love it,!” positibong sagot niya.
“Sabi nga namin ni Rhian [Ramos], ang strength ng show na ‘to, yung chemistry.
"Kasi, outside and in the set, ang sarap talaga. Ang sarap ng usapan.
“So, masarap kapag alam mong may bond. Nagkakaroon ng friendship.”
Kasama rin sa teleserye sina Tom Rodriguez, Carla Abellana, at Coney Reyes.
