Pumukaw ng atensiyon ng maraming netizens ang magkasunod na posts sa social media ng mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion nitong Linggo, February 2, 2020.
Unang nag-post si KC, 34, ng bonding nila ng amang si Gabby Concepcion, 55.
Si KC ay anak ni Gabby sa dati nitong asawa na si Sharon, 54.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram Story, ibinahagi ni KC ang pagkikita nila ng ama sa isang Japanese restaurant kahapon.
“Look who my handsome date is,” bungad ni KC sa unang video.
“Hi guys!” pagbati naman ni Gabby, na makikitang nakaupo na at kumakain.
“Have you been waiting for me?” tanong ni KC sa ama.
Sa mga sumunod na video clips ay mapapanood ang biruan ng mag-ama tungkol sa coronavirus.
Maririnig din si KC na sinabihan si Gabby ng “I missed you.”
Paglalarawan ni KC sa pagkikita nila ng ama: “Magdi-date muna kami.”
Ginamit pa ni KC ang hashtag na #girldaddy sa kanyang videos.


Ibinahagi rin ni Gabby sa kanyang Instagram Story ang kuhang video ng panganay na anak.
Sa isang hiwalay na Instagram post ni Gabby ay mapapansin din ang closeness nila ni KC.
Nag-post si Gabby ng video ng tuko na nasa pader ng isang restroom.
Komento rito ni KC: “We share the same love for nature, adventure & animals! love you popps”
Sagot naman ni Gabby: “Love you more baby girl [heart emoji]”

SHARON POSTS ABOUT DAUGHTERS FRANKIE, MIEL
Ilang oras pagkatapos i-post ni KC ang bonding nila ni Gabby, nag-post naman ang kanyang inang si Sharon Cuneta sa social media accounts nito tungkol sa closeness nina Frankie at Miel.
Sina Frankie at Miel ay mga anak ng Megastar sa second husband niyang si Senator Kiko Pangilinan.
Kalakip ng post ni Sharon ay collage ng dalawang larawan kung saan magkayakap sina Frankie at Miel.
Ang unang larawan ay kuha nang dumating si Frankie sa Pilipinas, mula New York, noong December 2019.
Ang pangalawang larawan ay kuha nang umalis si Frankie noong January 19, 2020, pabalik sa New York, kung saan siya nag-aaral.
Sa caption ay inilarawan ni Sharon kung gaano ka-close ang kanyang dalawang anak na babae.
“Awww...my two precious girls who are so close that it is enjoyable just watching them do stuff together at home, listening to how happy they are while talking.”
Pagmamalaki pa ni Sharon: “These are my loving, good-hearted girls who truly treasure me and our family. I am so proud to be their mother!”
RIFT BETWEEN SHARON AND KC
Pagkatapos makita ang parehong posts nina KC at Sharon, hindi maiwasan ng ilang netizens na mag-isip kung sinadya ba ni Sharon na mag-post ng tungkol sa mga anak na sina Frankie at Miel, bilang reaksiyon sa post ni KC kasama ang amang si Gabby.
O nagkataon lang na magkasunod ang kanilang posts.
May espekulasyon ding may kinalaman ito sa hindi pa rin natutuldukang tampuhan sa pagitan ng mag-inang Sharon at KC.
Matatandaang nag-react ang netizens dahil sa pasaring ni Sharon kay KC nang bigyan ng birthday tribute ang Megastar sa ASAP Natin ‘To noong January 5, 2020.
Sa kanyang speech, tila pinatamaan ni Sharon si KC na hindi nakadalo sa kanyang birthday celebration.
Mensahe ni Sharon: “Ipinagdarasal ko rin lahat ng aking mga anak... na sana, lumaki kayo na nakatapak ang mga paa sa lupa.
“Huwag nakalilimot sa pagmamahal ng magulang, at sa lahat ng nagawa ng mga magulang ninyo sa inyo.”
Kinabukasan, January 6, nag-post sa Instagram si KC upang humingi ng paumanhin sa ina dahil sa hindi pagdalo sa birthday tribute nito “for personal reasons.”
Malaman ang pahayag ni KC para sa ina.
Bahagi ng kanyang post: “I have done all I can to help you when I could and to make you proud knowing you had me so young.
“If I fail, I’m only human and I’m sorry.”
Pagkalipas ng tatlong araw, January 9, isang open letter ang ibinahagi ni Sharon sa kanyang Instagram.
Dito, inilahad ni Sharon ang tampo niya sa kanyang panganay na anak.
Ikinasama raw ng loob ni Sharon ang hindi pagpaparamdam ni KC sa mahahalagang okasyon sa kanilang pamilya, kagaya ng nakaraang Pasko, Bagong Taon, at ang huli ay birthday nga ng Megastar.
Sabi ng actress-singer-host, nakakakuha na lang siya ng balita kay KC sa Instagram account nito.
Bahagi ng post ni Sharon: "I haven’t really known for years now what has been going on with you, in your life, in your heart.
"I would think that the first person you would talk to would me your Mama.
"I feel that you have distanced yourself from us who truly love you, when we all hunger for our family to be complete.”
