Tinawag ng ilang netizens na “unfair” at mistulang “pasaring” sa anak na si KC Concepcion ang latest Instagram post ni Sharon Cuneta.
Ang post ay tungkol sa pagiging proud ng 54-anyos na singer-actress sa closeness ng mga anak niyang sina Frankie at Miel Pangilinan.
Pero iniugnay ng ilang Instagram followers ni Sharon ang naturang post ng Megastar—na nagsabing "proud mother" siya kina Frankie, 19, at Miel, 15 anyos—kay KC.
Si KC, 34, ay anak ni Sharon sa dating asawa na si Gabby Concepcion.
Anak naman ng Megastar sina Frankie at Miel sa second husband na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
May isa pang anak na lalaki sina Sharon at Kiko, ang 10-taong gulang na si Miguel.
February 2, 2020 nang i-repost ni Sharon ang tweet ni Frankie nitong January 20, kung saan makikita ang dalawang litrato nila ng kapatid na si Miel.
Sa parehong pictures, mahigpit na magkayakap sina Frankie at Miel, habang nasa airport.
Ang una ay kuha noong December 2019, nang umuwi sa Pilipinas si Frankie mula sa New York City, kung saan siya nag-aaral.
Ang ikalawang litrato, kuha naman noong nakaraang buwan nang pabalik na sa Amerika si Frankie.
Caption ni Frankie sa pinagtabing pictures: “hi peanut… bye peanut.”
Kasabay ng pagkukuwento ni Sharon kung gaano kalapit sa isa’t isa ang magkapatid, ipinaliwanag din niya sa kanyang post kung bakit “peanut” ang tawag ni Frankie kay Miel.
Saad sa post ni Sharon (published as is): “Awww...my two precious girls who are so close that it is enjoyable just watching them do stuff together at home, listening to how happy they are while talking.
“The pic on the left was taken when Kakie arrived home Dec.18 last year.
“The photo on the right was taken on January 19, just before Kakie left for NY.
“Both taken at the airport.
“Kakie has been calling Yellie her ‘baby Peanut’ since Yeyie was in my tummy.”
Mababasa rin sa dulong bahagi ng caption ng singer-actress: “These photos are so sweet.
“These are my loving, good-hearted girls who truly treasure me and our family.
“I am so proud to be their mother!”
THROWING SHADE?
Maraming Instagram followers ni Sharon ang pumuri at natuwa sa pagiging malapit sa isa’t isa nina Frankie at Miel.
Pero may ilang netizens ang direktang nagmensahe kay Sharon na magiging “painful and offending” para kay KC ang post niyang iyon.
Giit ng netizen, “OBVIOUS PO” na “you are attacking KC.”


May mga nagbintang din sa Megastar ng pagkakaroon umano ng “favoritism” sa kanyang mga anak, at may nagmungkahing “you should treat them equal.”



Ang isang Instagram user, inakusahan si Sharon ng “bashing/bullying” sa sariling anak, at hiniling na tigilan na ng singer-actress ang pagiging “so dramatic.”

Isang netizen naman ang nagsabing “unfair” kay KC na laging “magpasaring” si Sharon sa panganay na anak, at ikumpara ito sa mga kapatid.
Katuwiran ng netizen, magkaiba ang set-up na kinalakihan ni KC kumpara kina Frankie, Miel, at Miguel.
Dagdag pa ng nagkomento, dapat pa ngang magpasalamat si Sharon na naging “mabuting bata” si KC kahit na “lumalaki walang ama.”
May paliwanag din ang netizen kung bakit “parang mas close” si KC sa mga half-sisters niyang sina Garie Concepcion at Cloie Syquia Skarne.
Si Garie ay anak ni Gabby sa negosyanteng si Grace Ibuna.
Si Cloie ay anak naman ni Gabby sa dating aktres at napangasawa niyang si Jenny Syquia.

KC’S DINNER DATE WITH GABBY
Samantala, nagkomento ang isang netizen na "nagpapa-selosan" lang sina Sharon at KC sa kani-kanilang posts.
Nagkataon kasing may Instagram Stories din si KC nitong Linggo tungkol sa date nila ng amang si Gabby.

Sa video sa Stories ni KC nitong Linggo, makikitang kumakain sila ni Gabby sa isang Japanese restaurant.

Samantala, bagamat hindi sinagot ni Sharon ang alinman sa mga nagkomento sa kanyang post, ipinagtanggol naman siya ng kanyang fans.
Anila, pantay-pantay naman ang turing ni Sharon sa kanyang mga anak, kaya hindi tamang i-judge ang actress-singer.


May nagsaway naman sa netizens, dahil laging binibigyan daw ng mga ito ng “meaning” ang anumang gawin ng Megastar, para lang umanong i-bash ito.

Komento ng isa pa, hindi dahil celebrities ang mag-ina ay malaya na ang kahit sino na pakialaman ang buhay ng mga ito.

Ang ilan namang fans ni Sharon, direktang inakusahan si KC na “binabalewala lang ang ina,” habang sinabi ng isa pa na may “shade” rin naman umano laban kay Sharon ang mga post ni KC.


SHARON AND KC’S FALLING-OUT
Nitong nakaraang buwan lang nabunyag na may tampuhan muli ang mag-inang Sharon at KC.
Ito ay matapos na hindi sumipot ang dalaga sa birthday celebration ng ina sa ASAP Natin ‘To nitong January 5.
Kinabukasan, January 6, mismong birthday ng Megastar, nag-post sa Instagram si KC upang batiin ang ina at humingi ng paumanhin sa hindi pagdalo sa birthday tribute rito sa ASAP Natin ‘To.
Pagsapit ng January 9, ibinahagi ni Sharon sa Instagram ang open letter niya para kay KC, at inilahad ang mga tampo sa anak.
Ayon kay Sharon, hindi na siya updated sa mga nangyayari kay KC, at sa Instagram na lang siya nakikibalita tungkol sa anak.
Hindi na rin daw nakakasama ng kanilang pamilya si KC sa mahahalagang okasyon, tulad ng katatapos na Pasko at Bagong Taon, kaya naman miss na miss na ito ng mga kapatid.
“I myself hunger for the closeness we once had,” bahagi pa ng post ni Sharon para sa anak.
