Sanay na si Barbie Forteza na maraming nagkakagusto sa hunky boyfriend niyang si Jak Roberto.
“Actually, compliment na yun para sa akin," nakangiting sabi ng 22-year-old Kapuso actress.
"Di bale na lang kung papatulan niya, di ba? Siyempre ibang usapan naman yun."
May nagbiro kung ayaw raw ba ni Barbie na i-share ang boyfriend niya.
“Bakit ise-share? Airdrop? Ha! Ha! ha! Bakit ise-share? Hindi naman airdrop si Jak!” tawa niya.
Si Jak ba ay marunong magselos?
“Hindi seryoso, very mga pabiro, ganyan.
"Kunwari pag may pina-follow ako, nila-like ako, ganyan."
Tulad nino?
“Ay hindi, mabait ako, hindi ako nagpa-follow pag alam kong magseselos siya, hindi ko pina-follow.”
Wala rin daw pinagselosan si Barbie kay Jak.
“Wala naman, alam mo so far, wala, ha?
"Eto, it’s safe to say, wala pa akong pinagselosan kay Jak, kahit yung kunwari, di ba, meron siyang Bubble Gang?
“Siyempre, lahat ng mga babae diyan, naka-nyeknyek shorts, naka-tank top lang, ganyan. In all fairness naman, wala."
Ang Bubble Gang ay ang weekly gag show na kinabibilangan ni Jak.
Patuloy ni Barbie, “Kasi naniniwala… ang maganda kasi kay Jak, naniniwala daw siya sa karma.
“So, iyon yung talagang thinking niya, na lahat ng bagay, very mindful siya in doing… yung mga ganyang bagay.
"Baka daw kasi bumalik sa kanya."
Naniniwala si Barbie na faithful si Jak sa kanya.
“Oo naman! ‘Tong ganda kong ‘to, lolokohin mo? Tanga, ha!" natatawa niyang sabi.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Barbie sa lobby ng GMA Network noong February 4.
KAPUSO PRIMETIME PRINCESS
Mula 2016, panay pang-primetime ang teleseryeng pinagbibidahan ni Barbie sa GMA-7.
Kabilang dito ang That's My Amboy (2016), Meant To Be (2017), Inday Will Always Love You (2018), Kara Mia (2019), at ang ipinapalabas ngayong Anak Ni Waray vs Anak Ni Biday.
Ano ang reaksiyon ni Barbie kapag sinasabing siya ang Kapuso Primetime Princess?
Tugon niya, “Medyo may mga ilan na po na matagal nang itinatawag sa akin iyan, na hindi ko lang ma-claim dahil hindi naman from the network.
"Kumbaga, hindi naman pa ibinigay ng network, tawag lang ba."
Kailan ibinigay sa kanya ng GMA-7 ang titulong Kapuso Primetime Princess?
“Siguro nung December, parang ganun.”
Ngayong official na, ano ang reaction niya?
“Masaya siyempre, mas inspired magtrabaho.
"Kasi siyempre, sa tagal ko na rin po sa... kahit papaano, sa showbiz, siyempre ramdam ko iyan, na every time laging may bagong pumapasok.
“So, at least, yung title na yun is a reminder na hindi ako napapabayaan ng network. Kasi binigyan nila ako ng title.
"So, ibig sabihin, hanggang ngayon, naa-appreciate nila yung ginagawa ko, hindi nila talaga ako binabalewala.”
