Isang pribadong barbecue dinner ang inihanda ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo bilang selebrasyon para sa newlyweds na sina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli nitong weekend.
Base ito sa Instagram post ng kaibigan ng dalawang couples na si Bianca Rufino, daughter-in-law ng Viva executive na si June Rufino, noong Linggo, February 23.
Caption sa larawan: “Celebrating life [heart emoji] Thank you for the yummy backyard bbq feast @officialjuday @ryan_agoncillo & cutie Agoncillo babies. [heart emoji] Congratulations again @justsarahgph @matteog ! [flower bouquets emojis] Nothing but love [heart emoji] #ashmatt strong”
Kasama rin sa larawan ang tatlong anak nina Judy Ann at Ryan: Yohan (14), Lucho (8), at Luna (4).
SWEET COUPLE
Sa photo, makikitang nakatayo ang lahat, maliban kina Sarah at Matteo.
Kitang-kita naman kung gaano ka-sweet ang bagong kasal na magka-holding hands pa nang mahigpit.
Tila sinadyang pribado ang ginawang selebrasyon nina Juday at Ryan dahil hindi sila nag-post sa kanilang social media accounts ng nangyaring salo-salo.
Kilala sina Judy Ann at Ryan na malapit na showbiz friends nina Sarah at Matteo.
Hindi naman tiyak kung may alam sina Judy Ann at Ryan sa secret civil wedding nina Sarah at Matteo, na nangyari noong February 20, Huwebes.
Pero naisulat sa PEP Troika noong mismong araw ng kasal ang short video messages nina Juday at Ryan para kina Sarah at Matteo sa napabalitang pagpapakasal nila.
Ani Ryan sa video: "O brad, kita tayo! Basta ang invite, ha!!!"
Sabi naman ni Juday: "Ano na'ng nangyari? Basta ako, naghihintay lang ako, beh, ha!
"Mahina na ba signal mo? Basta, text-text, naghihintay lang kami rito!"
Nangyari ang secret civil wedding nina Sarah at Matteo noong gabi ng Huwebes sa Shangri-la Hotel, Bonifacio Global City, Taguig.
SARAH GOES BACK TO WORK
Ngayong Lunes, February 24, balik sa trabaho na si Sarah, na nag-taping para sa ongoing ABS-CBN reality-based singing competition na The Voice Teens.
May lumabas ding photo ngayong araw na bumisita pa ang mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid kay Sarah sa set ng The Voice.
Ayon naman sa posts ng mga katrabaho ni Sarah sa show, masaya si Sarah, na ngayon ay Mrs. Guidicelli na, sa kabila ng naging kontrobersiyal na kasal nila ni Matteo noong Huwebes.
