Nadagdagan ang Kapamilya celebrities na nagpasalamat at nagbigay ng positibong reaksiyon sa pagpabor ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte sa isinusulong na franchise renewal ng ABS-CBN.
Ngayong February 28, Biyernes, nagpasalamat si Vice kay Mayor Sara sa pamamagitan ng Twitter.
Tweet ng It's Showtime host: “Thank you very much Mayor Sara!!!!”
Kalakip nito ang link ng interview ng mayor tungkol sa isyu.
Nag-tweet din tungkol dito ang ABS-CBN News and Current Affairs anchors na sina Karen Davila at Jeff Canoy.
May positive reaction din ang aktres na si Lorna Tolentino at ang singer na si Jim Paredes.
Una nang nasulat na nagpasalamat sina Angel Locsin at Julius Babao sa pagsuporta ni Mayor Sara sa panawagang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Sa Instagram post ni Julius kung saan nagpasalamat siya kay Mayor Sara, nag-like dito sina Karen, Lorna, at Angel.



Pinasalamatan din ni Angel si Mayor Sara sa isang Instagram Story post.
Ni-retweet naman ni Jim, dating miyembro ng APO Hiking Society, ang post ng blogger na naghahamon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson na awayin si Mayor Sara.
Si Mocha ay appointee ni President Rodrigo Duterte, ama ni Mayor Sara.
Base sa tweets ni Mocha, kontra siya sa franchise renewal ng ABS-CBN at binabatikos ang mga kilalang personalidad na pumapabor dito.

MAYOR SARA COMMENTS ON ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL ISSUE
Nitong Huwebes, February 27, natanong si Mayor Sara sa kanyang opinyon tungkol sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN.
Sagot ng alkalde: “Davao City fully supports ABS-CBN sa kanila na pagpapa-renew ng kanilang franchise.
“And of course, malaki rin ang suporta ng ABS-CBN sa Davao City at sa buong bansa.
“So hopefully, ma-resolve in a positive way ang issue ng franchise ng ABS-CBN.”
Sa May 4, 2020 nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng TV network.
Nakatawag-pansin ang pahayag ni Mayor Sara dahil sinusuportahan niya ang pagsusulong ng ABS-CBN franchise renewal, na salungat sa banta ng kanyang ama.
Sa kanyang mga nakaraang speech, idiniin ni Pangulong Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng Kapamilya network.
Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin sa interview ng Pangulo nitong Miyerkules, February 26.
Ito ay matapos niyang tanggapin ang paghingi ng paumanhin ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak sa hindi pag-ere ng ABS-CBN sa paid political ads ng Pangulo noong 2016 presidential elections.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte sa interview na hindi siya makikialam sa pagtalakay ng Kamara sa proposed bills para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
