Isang mensahe ng pasasalamat ang ibinahagi ni Xian Lim dahil ligtas ang girlfriend niyang si Kim Chiu matapos pagbabarilin ang sinasakyang van ng aktres.
Nangyari ang pananambang sa sasakyan ni Kim sa kanto ng Katipunan at C.P. Garcia Avenue, sa Quezon City, Martes ng umaga, March 4.
Papunta si Kim sa taping ng kanyang teleserye, ang Love Thy Woman, nang biglang paulanan ng bala ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang van niya.
Nakaligtas si Kim, gayundin ang kanyang personal assistant (P.A.) at driver, sa pananambang ng mga suspek.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram account, nagpasalamat si Xian sa lahat ng nanalangin at nagpaabot ng pag-aalala.
Hindi binanggit ni Xian ang pangalan ni Kim, ngunit malinaw na ang kinasangkutang insidente ng kasintahan ang kanyang tinutukoy.
Kalakip ang isang blangkong itim na larawan, ito ang nilalaman ng mensahe ni Xian:
“Thank you to everyone who expressed their prayers and concern.
“We can never explain why these horrible things happen.
“Thankfully there are no casualties.
“Thank you God for always being by our side.”
ZSA ZSA PADILLA
Samantala, nag-tweet din si Zsa Zsa Padilla tungkol sa insidenteng kinasangkutan ni Kim.
Magkasama sina Zsa Zsa at Kim sa Love Thy Woman.
Ayon sa Divine Diva, papunta rin siya ng taping ng teleserye nila ni Kim nang mangyari ang insidente.
Naipit pa nga raw sa traffic ang seasoned actress kasunod ng pananambang sa van ni Kim.
Hindi naman tinukoy ni Zsa Zsa kung saang lugar siya naabutan ng traffic.
Ibinahagi rin ni Zsa Zsa ang kanyang pangangamba kasunod ng nangyari kay Kim.
Tweet ni Zsa Zsa: “Relieved our baby girl Kim Chiu is safe and everyone inside van were all spared from being hit by bullets.
“But how safe are we when we get out into the streets?
“Ganyan na ba talaga ngayon, Pilipinas?”
KIM CLUELESS OF THE MOTIVE
Ilang oras matapos ang pananambang sa kanyang van, nag-post si Kim sa Instagram upang ipaalam ang kalagayan niya.
Malaki ang pasasalamat ng aktres na nakaligtas siya sa pangyayari, gayundin ang kanyang P.A. at driver.
Pero wala raw maisip na dahilan si Kim para pagtangkaan ang kanyang buhay at wala rin daw siyang kaaway.
Bahagi ng post ni Kim: “I dont have an idea what really happened, mistaken identity? I guess?? Napag tripan?.. This is a bad joke.
“Wala naman akong kaaway or ka atraso. Why me?”
Samantala, bumuo ng special investigation task group ang Quezon City Police District na mag-iimbestiga sa shooting incident na kinasangkutan ni Kim.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang lumalabas na balita tungkol sa imbestigasyon sa nangyari kay Kim.