Hindi inaalis ng pulisya ang posibilidad na mistaken identity ang nangyaring ambush sa sasakyan ng aktres na si Kim Chiu.
Ito ay kahit pa inihayag ngayong Huwebes, March 5, ng lead investigator ng kaso na inabangan at sinundan ng mga suspek si Kim bago pinagbabaril ang sasakyan nito.
Miyerkules ng umaga, March 4, nang paulanan ng bala ang van ng 29-anyos na Kapamilya actress habang binabaybay ang Katipunan Avenue sa Quezon City.
Bagamat natadtad ng bala ang van ni Kim, hindi ito nasaktan sa insidente.
Ligtas din sa kapahamakan ang personal assistant ng aktres na si Mayrin Nasara at ang driver na si Wilfredo Taperla.
Dalawang hindi nakilalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang suspek sa krimen.
SUSPECTS TAILED KIM’S VAN
Na-interview ng GMA News ngayong Huwebes si Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) Chief Major Elmer Monsalve.
Kinumpirma ni Major Monsalve na hawak na ng pulisya ang CCTV (closed-circuit television) camera footage sa labas ng subdibisyon na pinanggalingan ni Kim nitong Miyerkules.
Sinabi ng opisyal na nakita sa footage na inabangan ng riding-in-tandem ang paglabas ng van ni Kim sa subdibisyon.
“May nakaabang na sa paglabas niya,” sinabi ni Major Monsalve sa interview.
“Makikita mo na siya’y [van] nag-iisa lang, walang katabi.
“Tapos may biglang sumulpot na isang motor, na naghihintay na doon sa subdivision,” dagdag pa ng QCPD-CIDU chief.
Sinabi ni Major Monsalve na nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
TASK GROUP CHIU
Binuo ng pulisya nitong Miyerkules ang Special Investigation Task Group Chiu (SITG-Chiu) para pangunahan ang imbestigasyon.
Una nang binanggit ni Kim sa kanyang Instagram post, ilang oras matapos ang insidente, na naniniwala siyang napagkamalan lang siya ng mga suspek.
Bahagi ng post niya, "I dont have an idea what really happened, mistaken identity?
"I guess?? Napag tripan?.. This is a bad joke."
Giit pa ni Kim, “Wala naman akong kaaway or ka atraso. Why me?”