Opisyal na kinilala ng Kamara si Gerald Anderson bilang Philippine Youth Commission KASAMA Ambassador of Goodwill.
Ang KASAMA, o Kabataang Sama-Samang Maglilingkod, ay isang organisasyon ng mga kabataang lider sa bansa.
December 2019 nang ihayag ng Philippine Youth KASAMA ang pagkakapili sa 31-anyos na aktor at Philippine Army reservist bilang Goodwill Ambassador at tagapagsalita nito.
At nitong Martes, March 11, nagdaos ng maikling seremonya para kay Gerald sa House of Representatives sa Batasan Complex sa Quezon City.
Pinangunahan nina House Speaker Alan Peter Cayetano at House Majority Leader Martin Romualdez ang pagkilala sa bagong ambassador ng Philippine Youth KASAMA.
Pagkatapos ng seremonya, naglibot si Gerald sa Session Hall ng Batasan Complex.
Nagpakilala at saglit ding nakipag-usap ang Kapamilya actor sa ilang kongresista.
Ipinost ni Gerald sa Instagram nitong Martes ang mga litrato niya sa Session Hall ng Kamara.
Caption ng aktor: “Congress visit today PH”
May litrato si Gerald kasama si House Speaker Cayetano pagkatapos ng seremonya.
Nagpakuha rin siya ng picture kasama si Leyte Representative Lucy Torres-Gomez.
Sa isa pang litrato, makikitang masayang nagkukumustahan sina Gerald at Batangas Representative Vilma Santos-Recto.
Sa isang video sa Instagram Stories ng aktor, makikita rin siyang kausap si Bataan Representative Geraldine Roman.
THE SAME DAY SOLONS TACKLE ABS-CBN FRANCHISE RENEWAL
Nagkataon namang nasabay ang pagbisita ng Kapamilya actor sa unang araw ng pagtalakay ng House Committee on Legislative Franchises sa 11 panukala para sa panibagong 25-taong prangkisa ng ABS-CBN.
Mag-e-expire ang broadcasting franchise ng ABS-CBN sa May 4, 2020.
Sa magkahiwalay na pagkakataon—nitong February 10 at 21—nag-post si Gerald sa Instagram ng pagpapahayag ng suporta para sa franchise renewal ng kanyang mother network.
Sa committee meeting, nangako ang National Telecommunications Commission (NTC) na mag-iisyu ito ng provisional authority sa ABS-CBN.
Ang provisional authority to operate mula sa NTC ang magpapahintulot upang makapag-operate pa rin ang Kapamilya network kahit expired na ang prangkisa nito.
Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, ang pag-iisyu ng provisional authority sa ABS-CBN ay alinsunod sa payo ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa komisyon kaugnay ng usapin.
February 26 nang lumiham ang pamunuan ng Kamara sa NTC upang hilingin ang provisional authority ng komisyon para sa ABS-CBN.
Sa parehong petsa, nag-adopt ng resolusyon ang Senado upang ipahayag ang pagpabor nitong bigyan ng provisional authority ang network habang hindi pa naipapasa ng Kongreso ang batas para sa franchise renewal nito.
Samantala, sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio na hindi magiging legal ang pagbigay ng NTC ng provisional authority sa ABS-CBN kapag napaso na ang prangkisa nito.
Ang provisional authority to operate ay walang bisa kapag walang prangkisa, ayon sa former justice ng Korte Suprema.
Kinakailangan daw munang gumawa ng batas ang House na nagsasabing maaaaring gawin ito.
HOUSE HEARING ON MAY OR AUGUST
Pinag-usapan din ng mga miyembro ng komite, na pinamumunuan ni Palawan Representative Franz Alvarez, ang rules na ipatutupad kapag sinimulan na ang House hearing sa ABS-CBN franchise renewal.
Una nang sinabi ng komite na posibleng sa Mayo o Agosto maisagawa ng Kamara ang pagdinig.
Ito ay dahil magsisimula na ngayong Miyerkules, March 11, ang summer break ng Kongreso.
Magbabalik-sesyon ang Kongreso sa May 4, ang mismong araw na mapapaso ang prangkisa ng ABS-CBN.
Bukod sa nakabimbing mga panukala para sa bagong prangkisa, nahaharap din sa legal battle ang network kaugnay ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG).
Bilang abogado ng gobyerno, ipinakakansela ng OSG sa Supreme Court ang umiiral na prangkisa ng ABS-CBN dahil umano sa ilang paglabag sa batas.
Nitong Martes, ipinagpaliban ng Supreme Court en banc sa April 14 ang pagtalakay sa quo warranto petition laban sa ABS-CBN.