Nagsanib-puwersa ang charity foundations ni Senator Manny Pacquiao at ng Chinese billionaire na si Jack Ma upang magbigay ng 50,000 testing kits sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ng 41-anyos na senador sa isang Instagram post nitong Lunes, March 16, sa kasagsagan ng tumitinding laban ng bansa kontra coronavirus disease 2019, o COVID-19.
Saad sa post ni Manny: “We’re excited to announce the Jack Ma Foundation, in partnership with @PacquiaoFoundation is pledging 50,000 test kits to combat COVID-19 in the Philippines.
“With everything that’s happening around the world today, there is no better time to unite and do whatever we can to help each other.”
Si Jack, 55, ang founder ng Chinese multinational technology company na Alibaba Group.
Ang kanyang Jack Ma Foundation ay nakatuon sa pagpapabuti ng edukasyon at public health, at sa pangangalaga sa kalikasan.
Magkaibigan ang Pinoy boxing icon at si Jack, na nakatuwaan pang mag-post ng kanilang boxing training video noong October 2019.
JACK MA's DONATION TO ITALY, IRAN, US
Nauna nang nag-donate ang foundation ni Jack—katuwang ang Alibaba Foundation—ng mga kinakailangang medical supplies sa mga lugar sa Italy, Japan, South Korea, Iran, at Spain na apektado ng pandemic.
Ayon sa latest situation report ng World Health Organization (WHO) nitong March 16, pangalawa ang Italy sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 sa mundo, kasunod ng China.
Umabot na sa 81,077 ang nagpositibo sa COVID-19 sa China; 24,747 sa Italy; 14,991 sa Iran; 8,236 sa South Korea; 7,753 sa Spain; at 814 sa Japan.
Ang donasyon sa nabanggit na mga bansa ay inihayag ng Jack Ma Foundation sa isang Twitter post nitong March 13.
Sa parehong tweet, nakasaad na magbibigay rin ang foundation ni Jack ng 500,000 testing kits at isang milyong face masks sa Amerika.
Mayroon nang 1,678 COVID-19 cases sa Amerika, ayon sa WHO.
JACK MA JOINS TWITTER
Sa latest post ng kabubukas lang na Twitter account ni Jack nitong Lunes, March 16, inianunsiyo nitong magdo-donate din ang kanyang foundation ng mga gamit kontra COVID-19 sa lahat ng bansa sa Africa.
Mababasa sa official statement ng Jack Ma Foundation:
“To combat the potential surging demand for medical supplies and equipment in Africa, Jack Ma Foundation and Alibaba Foundation will donate to each one of the 54 African nations 20,000 testing kits, 100,000 masks, and 1,000 medical use protective suits and face shields.
“In addition, we will immediately start working with medical institutions in Africa to provide online training material for COVID-19 clinical treatment.”
Batay sa datos ng WHO, nasa 160 na ang kumpirmadong nabiktima ng COVID-19 pandemic sa African Region.
Mahigit isang bilyon ang populasyon sa Africa.
PH HAS “LIMITED TESTING CAPACITIES”
Samantala, sa press conference sa Malacañang nitong Lunes ng gabi, inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na limitado ang testing capacities ng gobyerno sa pagsusuri sa mga pinagsususpetsahang may COVID-19 sa bansa.
Ayon sa kalihim, kulang kasi ang testing kits ng Department of Health (DOH).
Sa presscon, natanong ang kalihim sa mataas na mortality rate ng COVID-19 sa Pilipinas, base sa napaulat na taya ng WHO.
At press time, may 142 positibo sa COVID-19 sa Pilipinas, at 12 na sa mga ito ang namatay.
Paliwanag ni Secretary Duque: “Mortality rate is about eight percent, but it’s only high because we have not done enough testing.
“We have limited testing capacities, especially the past several weeks.”
Sa parehong presscon, ibinalita ng DOH chief na may libu-libong testing kits na donasyon ang South Korea at China sa bansa.
Bukod pa rito, ayon kay Secretary Duque, ang bibilhing testing kits ay kukunin sa PHP240 million pondo na inaprubahan kamakailan.
Hindi pa kasama rito ang paparating na donasyon mula sa foundation nina Senator Manny at Jack.
“Now I’m confident that with many testing kits arriving, and many have in fact arrived, we will be able to pick up more positives but mild cases,” dagdag pa ni Secretary Duque.
Kasalukuyang ipinatutupad ng gobyerno ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.