Naisipan ng ilang tanyag na musicians ang maghandog ng free concert para sa lahat ng nababagot na sa kani-kanilang tahanan dala ng coronavirus.
Sa report ni Cata Tibayan ng 24 Oras, nag-concert nang live mula sa kanyang bahay ang Coldplay frontman na si Chris Martin.
Nang mapanood ni John Legend, na-inspire din itong mag-live stream ng kanyang performance, kasama pa ang asawa niyang si Chrissy Teigen at anak nilang si Luna.
Ang "One Call Away" singer na si Charlie Puth, nag-live stream din ng kanyang performance, na ikinatuwa rin ng kanyang mga fans.
Tila public service announcement naman ang viral video ng disco-era singer na si Gloria Gaynor sa kanyang "I Will Survive Challenge" video.
Dahil sa lumalalang bilang ng kaso ng COVID-19, idineklara nang pandemic ng World Health Organization (WHO) ang sakit na sinasabing nagsimula sa Wuhan, China.
Dahil dito, maraming mga bansa at gobyerno na sa buong mundo ang nagdeklara ng lockdown, o kaya naman ay community quarantine, para pangalagaan ang kani-kanilang mga mamamayan.