Pumanaw na si Joey Bautista, lead singer ng '90s band na Mulatto.
Ayon sa reports ng Daily Tribune at The Manila Times ngayong Huwebes ng hapon, March 19, pumanaw si Joey dahil umano sa COVID-19.
Ngunit wala pang detalye o kumpirmasyon ang kaanak ng singer kung may kinalaman nga sa COVID-19 ang kanyang pagpanaw.
Kinumpirma naman ng ilang malalapit na tao kay Joey ang pagkamatay ng singer sa pamamagitan ng social media.
Kabilang sa mga nag-post ay sina Muntinlupa Lone District Representative Ruffy Biazon, FAP Director General Vivian Velez, at ang aktres na si Sunshine Cruz.
Pahayag ni Congressman Biazon sa Twitter: “It feels different when it’s people in your circle that falls to the virus. Rest In Peace, Joey Bautista.”
Kalakip ang larawan nila ni Joey, mensahe naman ni Vivian sa kanyang Facebook post: "Joey Bautista of Mulatto (crying emoji) my inaanak sa kasal."
Sa Facebook din nagpaabot ng kanyang pakikiramay si Sunshine.
Ilan sa mga kanta ng Mulatto ay "Move it," "Nang Tumugtog Ang Awit Ko," On The Right Track," "Full Circle," at remake ng "Growing Up" na bahagi ng soundtrack ng T.G.I.S.
Nababalot ngayon ang mundo sa pangamba dahil sa delubyong dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa Pilipinas, mayroon nang 202 positive cases at 17 deaths.