Pumayag ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na palawigin ng isang buwan ang paghahain ng annual income tax return (ITR).
Mula sa orihinal na deadline na April 15, maaari nang maghain ng ITR hanggang sa May 15 “without the imposition of penalties to taxpayers.”
Ito ang nakasaad sa Revenue Memorandum Circular No. 28 ng BIR na may petsang March 18.
Pinalawig ng BIR ang ITR filing sa pakiusap na rin ng ilang mambabatas, dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.
Layunin ng isang-buwang enhanced quarantine (March 17-April 12) na makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Bahagi ng quarantine ang work suspension at pansamantalang pagsasara ng maraming establisimyento, kaya naman ilang manggagawa ang walang kita sa susunod na mga linggo.
EARLY TAX PAYMENT
Sa kabila nito, hinikayat ng BIR at ng Department of Finance ang publiko, lalo na “those who are able to file within the deadline or even as early as now to do so through mechanisms that have been made available by the BIR, including online filing and payment platforms.”
Ang BIR ay isa sa mga sangay ng finance department.
Sa isang official statement, inamin ng Department of Finance na makakatulong sa ngayon kung hindi made-delay ang koleksiyon ng buwis.
Malaking tulong daw kasi ang anumang karagdagang revenue upang mapondohan ang mga gastusin ng gobyerno ngayong may COVID-19 pandemic sa bansa.
PAG-IBIG OFFERS 3-MONTH MORATORIUM
Samantala, tatlong-buwang moratorium naman ang alok ng Pag-IBIG Fund sa mga miyembro nitong may loan sa ahensiya.
Nakasaad sa official statement ng Pag-IBIG sa website nito na maaaring mag-apply ng moratorium ang mga miyembrong may housing loan, multi-purpose loan, at calamity loan, na ang payment due date ay simula March 16, 2020 hanggang June 15, 2020.
Tanging Pag-IBIG members na taga-Luzon lang ang maaaring mag-avail ng moratorium.
Dagdag pa ng ahensiya, muli itong tatanggap ng mga aplikasyon kapag binawi na ng gobyerno ang enhanced community quarantine.