Nakipagdiskusyon si Angelica Panganiban sa mga netizen tungkol sa quarantine protocols na ipinatutupad ngayon sa Pasig City.
Sa Pasig nakatira ang 33-year-old Kapamilya actress.
Nagsimula ito sa isang tweet ni Angelica ngayong Miyerkules ng umaga, March 25.
Kinukuwestiyon ng aktres kung bakit ipinagbabawal sa kanilang village ang lumabas at mag-jogging, pero pinapayagan ang dog owners na mailabas ang kanilang mga alaga.
Tweet niya: “Yung exercise tulad ng jogging, bawal sa village namin.
“Malinaw naman ang protocol.”
Tila may patama ang sumunod niyang pangungusap: “Pero pwede ka lumabas para ilakad ang aso, bumili ng grocery.
“Pero yung pang pa healthy, bawal sa pasig?
“Patakaran po ba ito ng mayor natin?”
Si Vico Sotto ang alkalde ng Pasig City.
ENHANCED COMMUNITY QUARANTINE
Simula noong March 17, isinailalim na sa enhanced community quarantine ang buong Luzon bunsod ng paglaganap ng COVID-19.
Kasabay nito, naglabas ng guidelines ang gobyerno upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Kabilang dito ang paghihikayat sa mga taong manatili sa bahay o mag-home quarantine.
Nagsunud-sunod ang komento ng netizens sa tweet ni Angelica.
Halos pare-pareho ang paliwanag ng karamihan sa kanila: may protocol daw sa kanila na isang tao lang sa bawat pamilya ang maaaring lumabas para bumili ng pagkain at iba pang essential needs.
Ang ibang netizens, hinimok si Angelica na mag-exercise na lang sa bahay dahil mas mahalaga ang kaligtasan niya.
Narito ang comments ng ibang netizens:


WALKING THE DOG VS JOGGING
May sagot si Angelica sa nagkomentong isama nito ang kanyang aso kapag naggu-grocery.
Tweet niya: “Wala akong aso. Essentials ang grocery. At pag bili ng gamot.
“Yung takbo para sa immune system yun, para tumibay ang katawan natin."
Katuwiran pa ni Angelica, nagagawa rin ang social distancing kapag nagdya-jogging.
“Holding hands at magkayakap ba ang mga tao pag tumatakbo?” hirit niya.
Isang netizen ang nagsabi kay Angelica na kumalma sa isyu ng quarantine protocol.
Nilinaw naman ng aktres na hindi mainit ang kanyang ulo.
Gusto lang daw niyang masagot ang kanyang simpleng tanong.
“Hindi po mainit ulo ko. Baka pwedeng wag judgemental sa simpleng tanong. [smiley]”
Hinimok ng netizens ang aktres na sumunod na lang sa protocol—lumabas lang kapag kinakailangan.
Para naman daw ito sa kabutihan niya.
Sumagot uli si Angelica.
Aniya, importanteng humanap ng mga puwedeng gawin sa mga ganitong panahon na makapagbibigay ng positibong epekto sa tao.
“Nagtatanong lang ako.
“Gusto kong malaman kung batas ba yun o pauso lang.
“hindi kasi ako nanonood ng balita dahil iyak lang ako ng iyak kapag nakikita ko nangyayari.
“In times like these kailangan natin ng positive mind para maiwasan ang depression.”
Isang netizen ang nagsabing walang batas na nagbabawal sa kanya mag-jogging.
Sabi nito: "Kung s villa o s subdivision nyo pwede, pagdating s labas ng area nyo, may mga checkpoint n haharang s inyo."
Nagpasalamat si Angelica sa netizen na sinagot ang kanyang tanong.
Sa kanyang pinakahuling tweet ukol sa usapin, pinasalamatan at pinuri ni Angelica si Mayor Vico Sotto.
Mensahe ng aktres: “Sa pasig parang nasa ibang bansa na kami dito.
"Salamat Mayor Vico! Sana ma inspire ang iba. May posisyon o wala.”
COMMUNITY QUARANTINE PASSES
Noong March 16, 2020, naglabas ng guidelines ang Malacañang kaugnay ng pagsasailalim sa buong Luzon sa enhanced community quarantine.
Malinaw na nakasaad na dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng quarantine sa bawat tahanan.
Pero walang nakasaad ditong isang tao lang kada bahay ang maaaring lumabas.
Ayon sa guideline: “A strict home quarantine shall be observed in all households; movement shall be limited to accessing basic necessities; provision of food and essential health services shall be regulated; and there will be heightened presence of uniformed personnel to enforce quarantine procedures.
Kasunod ng pinaigting na community quarantine, ipinatupad ng iba’t ibang local government units (LGUs) ang pagdi-distribute ng quarantine pass.
Isang pass ang ibinibigay sa bawat pamilya.
Ang pass holder lamang ang puwedeng lumabas para bumili ng pagkain, gamot, at iba pang basic necessities.
Layon nitong mahikayat ang iba pang miyembro ng pamilya na manatili na lamang sa loob ng bahay at seryosohin ang home quarantine.
NO QUARANTINE PASS IN PASIG AND VALENZUELA
Marami sa mga lungsod at munisipalidad ang nagpapatupad ng quarantine pass kada pamilya.
Pero dalawang lungsod ang hindi nag-distribute ng quarantine passes: ang Pasig at Valenzuela.
Noong March 22, nag-post sa Facebook si Mayor Vico na hindi kailangan ang quarantine passes sa kanilang lungsod.
Nilinaw raw nila ito sa Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) at Joint Task Force Corona Virus Shield.
Pahayag ng Pasig mayor: “We do NOT need Quarantine Passes WITHIN Pasig jurisdiction.
“Malinaw naman ang exemptions sa strict home quarantine.
“Wag na natin dagdagan ng requirements.
“Magiging karagdagang person-to-person contact at waiting time lang ito (imbis na makapunta ka ng mabilis sa tindahan, bumili ng pagkain, at umuwi na rin kaagad.)
"Isa pa, useless ang 1 per household quarantine pass na valid para sa buong quarantine period, dahil tatanungin pa rin naman ng pulis o brgy kung ano ang purpose nila sa paglabas ng bahay."
Ayon pa sa post ni Mayor Vico: “Basta’t gawin na lang natin SIMPLE… kung hindi para sa trabaho, medical, o para bumili ng pagkain/supplies… STAY HOME.”

Ganito rin ang katuwiran ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.
Anang alkalde sa isang tweet: “We do not need a quarantine pass.
“The exemptions are very clear and provided for naman.
“It provides for us to be able to go out naman if needed.
“That quarantine pass is subject to abuse and not in the guidelines.”
