Napanood kahapon, Linggo, March 29, sa ASAP Natin 'To ang performance ni Martin Nievera ng bago niyang awitin na gawa nina Alvina Sy at Homer Flores.

Pinamagatang "Buhay Mo, Buhay Ko," ang awitin ay isang tribute sa frontliners ng bansa na patuloy na nagbibigay ng kanilang serbisyo at nagtataya ng sariling buhay para malabanan ang pagkalat ng sakit na novel coronavirus o COVID-19.
Muling nag-broadcast ang nasabing pang-Linggong Kapamilya musical variety show dalawang linggo matapos mag-announce ang ABS-CBN ng pagsuspinde ng lahat ng live entertainment shows nito.
Ito'y alinsunod sa deklarasyon ng gobyerno ng enhanced community quarantine sa buong Luzon upang malabanan ang pagkalat ng COVID-19.
Nag-broadcast ang ASAP Natin 'To gamit ang web video conferencing app na zoom.
Pero ilang araw bago napanood si Martin na inaawit ang "Buhay Mo, Buhay Ko," marami nang netizens at content producers ang gumawa ng sarili nilang music videos ng nasabing kanta.
Isa na rito ang video na ito na napagpasa-pasahan na sa Facebook at sa ilan pang social media platforms.
Kabilang ang aktres na si Sunshine Cruz sa nag-share ng slideshow / music video na nagpapakita sa simula ng mga nasawi nang medical frontliners na kinabibilangan nina Dr. Gregorio Macasaet III, Dr. Raul Diaz Jara, Dr. Marcelo Jaochico, Dr. Israel Bactol, Dr. Rose Polido, at Dr. Sally Gatchalian.
Hindi na matukoy kung sino ang orihinal na gumawa ng video, pero malinaw ang mensahe nito na pagbibigay-pugay at pasasalamat sa lahat ng medical, police, at military frontliners, pati na rin ang iba pang indibiduwal na tumutulong sa paglaban sa krisis na dulot ng COVID-19.
