Kumalat sa social media kahapon, April 1, ang balitang ni-raid daw ng mga pulis ang The Medical City upang kunin ang kanilang stock ng personal protective equipment (PPE).
Ang mga PPE raw ay ire-repackage, susulatan ng "bong go," at saka idu-donate sa mga osptal para sa kanila mapunta ang "all the credit."
Ang raid ay utos daw ng "one senator."
Ang "bong go" na tinutukoy sa post ay si Senator Bong Go.
Ito ang palitan ng mensahe diumano sa isang chat group na kumalat sa social media:
Netizen 1: “Medical City was raided too just now. Police got their PPEs cos a lot donated to Medical city. Order daw ng 'one senator' tas what they do is they repackage them and write “bong go” tas re-donate them to hospitals so they’ll get all the credit.”
Netizen 2: “So totoo nga??”
Netizen 1: “Yup! Kakamessage lang din ng friend ko na anak ng CEO ng medcity”

Kalakip nito ang larawan ng isang kahon ng surgical masks, kung saan nakasulat na galing ito kay "Senator Bong Go."

STATEMENT FROM THE MEDICAL CITY
Ngayong araw, April 2, mariing itinanggi ng The Medical City na ni-raid ang kanilang ospital.
Nakalagay sa kanilang pahayag: “There are news circulating that a raid of PPEs occurred in our premises on the evening of April 1.
“We deny this and encourage everyone to be careful in spreading unverified information.”

TASK FORCE KONTRA PEKE
Mariin din itong pinabulaanan ng Joint Task Force COVID-19 Shield ng Philippine National Police (PNP), na pinamumunuan ni deputy chief for operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar.
Sa panayam niya sa DZBB Radyo Na, TV Pa! ngayong Huwebes, March 2, sinabi ni Eleazar na "fake news" ang balitang ni-raid ang The Medical City.
Saad niya, "Wala pong katotohanan sa ganun.
"Actually, marami pong lumalabas na fake news ngayon, lalo na ang ating mga kababayan ay nasa bahay lamang at social media ang kanilang mapaglilibangan."
Kasunod nito ay sinabi ni Eleazar na nagtatag ang PNP, sa pakikipagtulungan ng CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) at DICT (Department of Information and Communications Technology), ng Task ForceKontra Peke.
Layunin daw nitong hagilapin ang mga nagpapakalat ng fake news.
Sabi pa niya, "Noong mga nakaraang araw meron na tayong na-file-an ng kaso.
"Sinisiguro po natin na mananagot ang individual o grupo man o sino mang magsasagawa nitong paglalabas ng fake news na ito."
BAYANIHAN TO HEAL AS ONE ACT ON FAKE NEWS
Sa bagong batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang Bayanihan to Heal as One Act (Republic Act 11468), nakasaad dito ang mahigpit na parusa laban sa mga magpapakalat ng mga pekeng balita.
Nakalagay sa nasabing probisyon (Section 6F): “Individuals or groups creating, perpetrating, or spreading false information regarding the COVID-19 crisis on social media and other platforms, such information having no valid or beneficial effect on the population and are clearly geared to promote chaos, panic, anarchy, fear or confusion.
“Those participating in cyber incidents that make use or take advantage of the current crisis situation to prey on public through scams, phishing, fraudulent emails or other similar acts.”
Ang mga mapapatunayang nagpapakalat ng fake news ay maaring makulong ng dalawang buwan at multang P10K hanggang P1M.
SENATOR BONG GO ISSUES STATEMENT
Nanawagan naman si Senator Go sa kanyang mga kritiko na huwag atupagin ang paninira umano sa kanya.
Narito ang buong pahayag ng senador na inilabas sa Facebook kagabi:
"Sa mga kritiko, huwag naman po sana puro reklamo, inggit at paninira ang atupagin ninyo.
"Tumulong rin sana kayo maghanap ng solusyon!
"Senador na ako - at limang taon pa akong magsisilbing senador. Wala akong ambisyong tumakbo kaya huwag nyo na akong isali pa sa usaping politika sa 2022 dahil hindi ako interesado.
"Biniyayaan na ako ng Panginoon ng oportunidad na maglingkod sa ating bayan kaya ibinabalik ko lang sa tao ang serbisyong dapat maibigay para sa inyong lahat.
"Wag na natin pairalin ang politika sa panahon ngayon. Lahat tayo naghihirap at lahat naman tayo gustong malampasan ang krisis na ito. Unahin nalang sana natin na pagserbisyohan ang mga mahihirap at mga nangangailangan.
"Bata ninyo ako, bata ako ng bawat Pilipino.
"I am a public servant. I will not only limit myself to just being a legislator. Kaya kung mauna akong mamatay dahil sa pagseserbisyo sa tao, wala akong magagawa kung yan ang kapalaran ko.
"As always, I will continue to serve and I am ready to die serving the Filipino people. ---Kuya Bong Go"
