Kanya-kanyang kilos ngayon ang mga celebrity upang makatulong sa frontliners sa gitna ng kinahaharap na COVID-19 pandemic sa bansa.
Bukod sa medical supplies, nagpapadala rin sila ng pagkain.
Si Aiko Melendez, nagsimulang lumikom ng pondo para pambili ng mga personal protective equipment (PPE)—gaya ng surgical mask, N95 mask, at surgical gloves and gowns.
Target ng aktres na ipadala ang mga mabibiling PPE sa Philippine Heart Center sa Quezon City at sa San Marcelino District Hopsital sa Zambales, kung saan vice governor ang boyfriend niyang si Jay Khonghun.
Mensahe niya sa Facebook noong March 25: “Any amount or in goods will be a big help for them! Tulong po tayo kahit nasa bahay lang tayo."
Kalakip ng kanyang post ang dalawang bank accounts kung saan puwedeng ideposito ang mga donasyon.
Ayon pa kay Aiko, “Lahat ay magiging transparent at makakarating po sa kanila.
"Sending you also a screen shot of their messages appealing to your good hearts for help!
“God bless (praying hands emoji) pls share (praying hands emoji)”

Marami naman ang tumugon sa panawagan ni Aiko.
At pagkalipas lamang ng ilang araw ay nakalikom siya ng sapat na halagang pambili ng PPE na ipinamahagi niya agad.

ARA MINA
March 10, 2020 pa lang ay palihim nang tumutulong si Ara Mina sa medical frontliners.
Mula sa kanyang sariling bulsa, nagpadala ang aktres ng medical supplies at pagkain sa ilang ospital sa Metro Manila at Bulacan.


Pahayag ni Ara sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong huling linggo ng Marso: “Simple lang. Kung ilalagay ko sarili ko sa kanila parang napakahirap.
“Kung may kakayanan naman tayong tumulong somehow sa ating frontliners why not?"

Patuloy niya, “Di man sobrang laki ang nagagawa ko, at least makabahagi man lang kahit papaano sa risk na ginagawa nila.
“In times like this, dapat tulung-tulong tayo.
“Hindi biro itong nangyayari sa atin. Buong mundo ito!”


DIVINE LEE
Si Divine Lee naman ay nakikipagtulungan sa kanyang grupo na Courage Cebu upang mamigay ng medical supplies at pagkain para sa frontliners.
Ang Courage Cebu ay samahan ng Manila girls na nakapag-asawa ng taga-Cebu.
Si Divine ay napangasawa ang negosyanteng si Blake Go, na nagmula sa Queen City of the South.

Nagpatulong daw si Divine sa matalik na kaibigang si Bela Padilla, na nagsagawa rin ng sariling fund drive dito sa Maynila.
Saad ni Divine sa PEP.ph noong April 1 via Viber messaging: “Since may ECQ (enhanced community quarantine) nga, hndi pwede yung ginagawa ko during mga bagyo where I really get the goods.
"So I texted Bela Padilla.
"Sabi ko, 'Bela ok ba yung thru online?' She said, 'Yes.'
"Tapos I used the same method to collect donations."

Humingi rin daw siya ng tulong sa ilang celebrity friends.
"Since di naman ako taga-Cebu, tumulong mag-spread ng infographics sila."
At ang binanggit niya ay mix ng stylist, housewife, designer, TV host, eventologist, fashion photographer, at actress.
"Liz Uy, Dani Barretto, Rajo Laurel, Bianca Gonzalez, Tim Yap, BJ Pascual, Bela are some of the many who helped."

Sa loob lamang daw ng limang araw ay na-hit nila ang kanilang target.
Saad ni Divine, "But we decided to increase it since alam namin na marami pa talaga may kailangan.
"Even our areas, we cover buong Visayas na.
"Rajo is also doing our PPE gowns to be donated to the frontliners."

Dagdag niya, “So, talagang tulungan 'to. I know, kasi focused na yung tao sa Luzon.
"So we need to start working for Visayas.
“We wanted a fund raising na 360 coverage."

Binanggit din ni Divine ang mga gamit at tulong na ibinigay nila sa medical frontliners.
"PPE for the frontliners para protektado sila."
Pagkatapos ay sinabi nito, "Naiiyak kami pag nakikita namin na nakasuot sila ng garbage bag."
Pagpapatuloy ni Divine: "We also do care packages for the daily wage earners na apektado ng ECQ.
"We course that thru Red Cross (na nakilala ko sila thru Angel Locsin nung mag-relief kami sa Iligan before).
"And now, we are saving for ventilators.
"Kasi nung kausap namin mga frontliners, sabi nila napaka-importante na may enough ventilators.
"Even if they are protected. Kung kulang sa equipment, mahihirapan sila manggamot ng mga tao."
Patuloy pa raw sila sa pangongolekta ng donasyon sa pamamagitan ng GoGetFunding.
