Nawalan na ng oras para sa pamilya, nagbitiw si Arnell Ignacio noong February 2019 bilang Deputy Executive Director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Marami nang nangyari mula noon kaya hindi na nakapagtataka ang balitang muling babalikan ni Arnell ang tinalikurang puwesto.
Gusto pa rin daw kasi ipagpatuloy ng TV host/comedian ang pormal na pagtulong sa ating mga kababayan.
Nakatakdang bumalik si Arnell sa OWWA ngayong April 2020, pero na-delay ang processing ng papers nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Kahit hindi pa nagsisimula muli ang trabaho niya sa OWWA, updated daw si Arnell sa mga nangyayari sa mga OFW (Overseas Filipino Workers).
“Ang situation nila is no different from ours but, of course, more pressuring because in times like these, family is on top of their minds.
“Marami ang gustong umuwi pero marami ang pagkakataon na hindi posible dahil walang mga flight.
"But nevertheless, we are preparing a financial assistance para sa mga OFW na naapektuhan ng krisis,” ani Arnell na alam na alam ang pasikut-sikot ng pagtrabaho sa OWWA.
THANKLESS JOB
“Looking from the outside, mukha siyang thankless job kasi stressful at makain ng oras, pero it is a job that a thank-you from those you help becomes unnecessary.
“Ang gusto ko lang kasi, maging maayos sila, ang kanilang sitwasyon. Sa dami ng mga natulungan ko, merong hindi ko na naalaala kapag binabati ako at niyayakap. Sinasabunutan ko pa nga hahaha!”
“Ang summary, masaya ako kapag yung ginawa ko e nakatulong para magkaroon ng malaking improvement ang mga buhay nila.
"Kahit ang kukulit, ang titigas ng ulo, at ang lalandi!
“Para bang mahal mo lang sila. Ganoon lang, mahal mo lang na hindi mo alam kung saan nanggaling or baka lukaret lang talaga ako, ha-ha-ha-ha!”
REALIZATION IN ECQ
Kasalukuyang nagsosolo si Arnell sa condominium unit niya sa Greenhills, San Juan City, dahil hindi siya umaalis ng bahay mula nang ipatupad sa Luzon ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa kanyang pag-iisa, ang dalawang ibon lang na madalas nagagawi sa bintana niya ang nakakausap daw ni Arnell.
“Amidst the isolation that I’m in now, suddenly I realize that what we have is more than enough.
“And each time the two birds e magtatatalak sa bintana ko, as if they were saying, ‘O ano, worried ka? Kami nga ang saya- saya. Ang dami nyo kasing hinahanap, e. Kumpleto naman.’
“We need to think like children again, children of God and understand that we are absolutely helpless without Him.
“Isang COVID-19 lang tayo, 'tapos titigil ang mundo. Nagkakapantay-pantay ang lahat, walang super power, walang third world, walang nuclear arms, wala lahat.
"Actually, puwede na akong lumabas ng bahay pero nag-enjoy na rin ako sa nagiging transformation in isolation. Para kang nag-retreat.
“Ang tagal ko nang hindi nakakakita ng tao. Nagpadala ako dito ng gym equipment, healthy food, supplements for work out para new body na ako sa 'graduation.'"