Nagbabala si Angel Locsin na walang katotohanan ang isang Facebook post tungkol sa pamimigay niya umano ng pera sa madla.
Ayon sa post, P1,500 daw ang perang ibinibigay ni Angel, at kailangan lamang daw magpadala ang netizen ng mensahe at i-share nito ang kanilang post.
Nakalagay sa post ng fake account na ANGEL Locsin Staffed-Private Account:
“Para po sa mga nasalanta ng #COVID19 mamimigay po kami ng pera 1500..ipapadala po namin dyan malapit sa Palawan Jan sa lugar nyo..basta sent inbox po dto and share this post..Maraming Salamat po.”
Babala naman ni Angel sa kanyang Twitter post kagabi, April 5: “Again, THIS IS NOT ME. Beware of scammers sa panahong ito.”
#UNITENTWESTANDPH
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, tuluy-tuloy pa rin ang pagtulong ni Angel sa pamamagitan ng pamimigay ng tents sa mga ospital sa Metro Manila at sa ilang bayan ng Luzon.
Katuwang ng aktres dito ang kanyang fiancé na si Neil Arce at ang wedding organizer na La Belle Fête.
Tinawag nilang #UniTENTweStandPH ang fund drive na naglalayong makapagtayo at makapagbigay ng tents sa public at private hospitals na maaaring paglagyan ng possible COVID-19 patients.
Halos 44 na ospital na ang kanilang nabigyan ng isolation tents.


Kahapon, April 5, limang ospital sa Muntinlupa ang personal na binahaginan ni Angel ng tents.
Nagpasalamat naman sa aktres ang lokal na pamahalan ng Muntinlupa sa pamamagitan ng Facebook.
