Pinuri ni Pokwang ang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice-President Leni Robredo.
Hindi madalas mangyari ang ganitong pagdepensa, at hindi na nga rin inaasahan ng taumbayan.
Sa address to the nation ni Pangulong Duterte noong April 1, sinabi nitong walang mali sa paghingi ng tulong ni Vice-President Robredo sa private sector.
Ito ay matapos hikayatin ni Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Manuelito Luna ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang Vice-President.
Ang inungkat na dahilan ni Luna ay ang pakikipagkumpitensiya raw ng Vice-President sa pamahalaan sa laban nito ngayon sa COVID-19.
Dahil dito, pinatanggal ng Pangulo sa puwesto si Luna.
Pahayag ni Duterte, “Gusto niya na ipaimbestiga si Leni kung bakit nag-solicit.
"Kaya nga nung narinig ko, sabi ko, 'Fire him. As of this moment, he is no longer connected with the government.'”
Binantaan din ng Pangulo ang NBI sakaling imbestigahan nito si Robredo.
“At tsaka iyong NBI na mag-imbestiga nun, pati kayo isali ko sa dismissal.”
Dagdag ng Presidente, “Ako, panahon nang i-criticize ko si Leni, sometimes the language that I use is very…
“Pero itong panahon na ito na wala namang kasalanan ang Vice-President, nag-ano nga na magtulong, bakit ipaimbestiga?”
“SALAMAT PO, MR. PRESIDENT”
Nagpasalamat naman si Pokwang kay Pangulong Duterte sa "napakagandang balita" na ito.
Mensahe ni Pokwang sa Instagram post niya noong April 5 (published as is): “bukod sa nga nakaka recover sa covid-19, isa ito sa nakapa gandang balita at tanawin sa mga social media [praying hands, heart, face throwing a kiss emojis]
“salamat po Mr. President [praying hands emoji] sana laging ganito [two victory hands emojis]
“God patnubayan n’yo po at gabayan ang aming bayan at ang aming presidente at bise-presidente [heart emoji'”
Nakiayon naman sa kanya ang mga kaibigang sina Kakai Bautista at Angelica Panganiban.
Maikling komento ni Kakai: “Solidarity”

Komento naman ni Angelica sa post ni Pokwang, “Sa wakas.”
Tugon ni Pokwang, “@iamangelicap deba nak?? Sana laging ganyan para mas matibay tayo sa pagharap sa problema ngayon”

Bago ito, isa si Angelica sa mga artistang nagalit sa speech ni Pangulong Duterte noong April 1.
Ito ay dahil sa pag-utos ng Pangulo sa mga pulis at militar na "shoot them dead" ang mga magtatangkang manggulo o sumuway sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Partikular na pinariringgan dito ni Duterte ang mga maka-Kaliwa.
Kasunod nito, sinabi ni Angelica na nagising na siya sa katotohanang mali ang pag-endorso niya kay Duterte noong 2016 elections.
VP ROBREDO: “HINDI ITO KUMPETISYON.”
Sa panayam naman ng CNN Philippines kay Vice President Robredo kahapon, April 6, nagsalita siya tungkol sa naging pahayag ni President Duterte.
Sa panahon ngayong humaharap ang mundo sa krisis dulot ng COVID-19 pandemic, dapat daw ay magtulungan ang lahat.
Saad ni Robredo, “Hindi ito kumpetisyon. We step in every time we see a need.
"So, tingin ko, dapat hindi namin ito tinitingnan na, ako yung mas mabilis, ako yung mas marami.
“Ang mensahe ni Pangulo is very important if only to emphasize na kailangan nating magkaisa.”
Sa ngayon, abala ang tanggapan ng Bise-Presidente sa pagtulong sa medical frontliners at sa pagkalap ng pondo upang makapag-donate pa ng maraming personal protective equipment (PPE) sa mga ospital.
