Kontrobersyal
last year ang pelikulang Sikil ng TV
ad and theater director na si Roni
Bertubin. Nakakuha kasi agad ito ng rating na "X" mula sa Movie and
Television Review and Classification Board o MTRCB sa unang pagsalang pa lang
nito sa review board.
Pero ayon kay Bertubin, may panghihinayang din na pahayag sa kanya ng MTRCB na, "Kung ‘di lang sana ngayon at kung wala lang sa ‘Pinas, palulusutin namin," meaning nakita ng mga nag-review ang gandang dala ng pelikula sa kabila ng mga delikadong eksenang ipinakita roon.
THE SIKIL EXPERIENCE. Nagkaroon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na mapanood ang Sikil sa UP Film Institute last year at kami mismo, hindi akalaing "ganun kadelikado" ang mga eksena sa first full-length digital movie na ito ni Bertubin.
May mga eksenang lalaki sa lalaki sa loob ng sinehan, sa loob ng comfort room, sa shower, sa entablado ng isang club, sa animo "harem" ng mga lalaki (na tila "gutom" sa isa't isa't gustong "maglapaan"), at may pa-cute pang montage scene ng sweet moments ng lead characters na sina Enzo (Ken Escudero) at Adong (Wil Sandejas).
Pero ang pinakasukdulan ng pagka-shock namin ay nang may umahong bit player mula sa jacuzzi na buong-ningning na nagpakita ng kanyang semi-erect na "birdie." If ever itutuloy ng bit player ang showbiz career niya at sumikat siya, collectible nang maituturing ang Sikil dahil doon siya nagpakita ng kanyang "cock shot."
Pero hindi lang naman puro walang-habas na man-to-man sex scenes ang Sikil. Kabilang kasi sa cast ang Panday TV series star na si Ashley Silverio, bilang Melay, ang love interest ng character ni Wil na si Adong. Sa kabila ng pag-"eeewww!" ng ilang manonood sa loob ng UP Film Institute theater, in-appreciate naman namin ang pagbalandra ni Ashley ng kanyang mayamang dibdib, twice; isa sa kanyang wet-look scene with Wil at isa sa kanilang love scene.
THE REAL MEAT. Pero kung susuriing mabuti ang pelikula, lahat ng mga nabanggit naming pampainit at eskandalosong mga eksena ay pawang pang-ibabaw lang. Mayroong mas malalim at makabuluhang mga mensahe na gustong ipahatid ni Bertubin sa mga manonood—ang pagtanggap (acceptance), pagmamahal, at pagpapatawad.
Pagdating sa acting, pasado nang maituturing ang pagganap ng tatlong pangunahing bituin. Although medyo pigil pa sa paglalabas ng emosyon si Ken sa ilang eksena niya bilang mapagtiis na si Enzo, may mga eksenang mahusay na nadala ni Ken ang sarili.
Dapat hasain pang mabuti ni Wil ang pag-arte sa pelikula. May tendency kasi siyang magpaka-teatro sa mga eksena niya.
May promise din si Ashley sa pag-arte. Given the right packaging, puwede rin siyang gumawa ng pangalan sa mainstream cinema.
Hindi naman kailangan pang banggitin kung husay rin lang sa pag-arte ang pag-uusapan ng mga supporting stars na sina Sylvia Sanchez at Dido dela Paz, bilang magulang ni Enzo at Ms. Anita Linda bilang lola ni Adong.
Mahusay rin ang mga mata ni Bertubin sa paghuli sa pelikula ng mga lugar at tanawing mas epektibong makapaghahatid ng emosyon ng eksena. Mula sa mga romantiko't scenic shots ng probinsiyang pinagmulan nina Enzo at Adong, hanggang sa marumi't tsipipay na sinehang tambayan ng mga bading kung saan nagaganap ang mga "halahan."
Bago pa man ito na-review ng MTRCB, naimbitahan na sa maraming film festivals ang Sikil. Kabilang na rito ang 19th Palm Spring Film Festival na ginanap sa California, at patuloy pa rin itong naiimbitahan sa iba pang film festivals abroad. Patunay lang na hindi lang basta pelikulang tungkol sa kabadingan ang Sikil kundi mas malalim at may kabuluhang pelikula rin ito.
Ang Sikil (international title: Unspoken Passion) ay ipapalabas sa IndieSine, Robinsons Movieworld, simula January 16 hanggang January 22.
