Isiniwalat ng GMA News anchor na si Arnold Clavio ang hindi umano pagbibilang ng COVID-19 deaths ng isang ospital sa Metro Manila.
Una itong ipinost ni Arnold sa kanyang Facebook account bandang alas-tres ng hapon ngayong Sabado, April 11.
Pahayag ng beteranong broadcast journalist, may impormasyon siyang natanggap mula sa frontliners ng isang ospital na hindi niya pinangalanan.
Ayon daw sa frontliners, nagkalat na sa hallway ang mga patay sa kanilang pagamutan dahil walang cadaver bags.
May isang ward pa raw na may halos "15-20" COVID-19 positive cases.
Puno na rin daw ang tatlong ward ng ospital ng mga PUI o Persons Under Investigation.
Sabi pa raw ng mga frontliner, sampu ang namamatay sa kada araw.
Ang iba nga raw mga frontliner ay nahawa na sa COVID-19.
Pahayag ni Arnold, "Seryoso at nakakabahala ang impormasyong ito at kailangan ang mabilis na pagtugon ng pamahalaan."
Nilinaw ng broadcaster na ang impormasyon ay "hindi para manakot o lumikha ng situwasyon para mag-panic ang publiko."
Dagdag niya, "May karapatan tayong malaman mula sa gobyerno—Department of Health at mga lokal na pamahalaan.
"At may karapatan din ako na iparating ito sa kinauukulan."
Sa huling bahagi ng kanyang post, iginiit ni Arnold ang kahalagahan ng pagsasabi ng totoo.
Aniya, "Sa China, kaya lumala ang krisis dahil hindi nagsabi ng totoo sa nangyari ang kanilang gobyerno.
"Kaya ang tanging panlaban ng publiko ay manatili sa loob ng bahay, magsuot ng mask at maghugas ng kamay, mag-ehersisyo at kumain ng masusustansiyang pagkain para mapanatiling malakas ang immune system.
"Maging tapat para di na kumalat."
Nag-iwan din ni Arnold ng mga katanungang ito kay DOH Secretary Francisco Duque:
"Ano ang totoong sitwasyon sa Pilipinas?
"Bakit kailangan na hindi na i-census o bilangin ang mga namatay sa Covid 19?"

Makalipas ang ilang oras, tila binura ni Arnold ang post na ito.
THE SECOND POST
Bandang alas-singko ng hapon, muling nag-post si Arnold sa kanyang Instagram account.
Pinasalamatan niya ang mga nag-repost ng nauna niyang mensahe sa Facebook.
Sabi ni Arnold, “Alam ninyo naman may nag-report sa FB kaya pansamantala ay disabled ang aking account.
“Pero marami pa namang venue para mailantad ang katotohanan.”
Idiniin ni Arnold na hindi pananakot ang impormasyong ibinahagi niya, kundi panghikayat sa mga kinauukulan na imbestigahan kung may katotohanan ito.
Sabi pa niya, “Muli, ang layunin lang nito ay maging tapat para di kumalat."
Kalakip nito ang screenshots ng mensahe ng mga frontliner tungkol sa nangyayari sa kanilang ospital.
Tila ito ay para sa mga naghahanap ng pruweba sa impormasyong inilabas ni Arnold.
Narito ang screenshots:



Ayon kay Arnold, ipinarating na rin niya ang impormasyon sa ilang government officials sa pag-asang kaagad silang gumawa ng aksyon.
Dagdag niya, “Ipagdasal po natin ang mga kaluluwa ng mga nasawi sa COVID19 na hindi na napapabilang sa istatistika.
“They deserve pa rin ng huling respeto.
“At tayong lahat may karapatan din na malaman ang totoong situwasyon ng bansa sa paglaban sa Covid19.”
Nagpasalamat si Arnold sa mga frontliners.
Sabi niya, “Sa mga frontliner, salamat sa katapangan na mailahad ito.
“Sadya ko pong di ipinakita ang pangalan ng ospital at mga nasasangkot para na rin sa kanilang proteksyon.
“Muli, manatili tayo sa bahay, magsuot ng mask at maghugas ng kamay, mag-ehersisyo, kumain ng masusustansyang pagkain at sama-sama tayong manalangin na malapagsan ang pagsubok na ito.
“Panginoon Ikaw na ang bahala! Totu tuus”
Ito naman ang screenshot ng buong mensahe ni Arnold:

NETIZENS REACT TO BROADCASTER'S IG POST
Nakakuha ng maraming reaksiyon ang Instagram post ni Arnold.
Ilan sa mga ito ang sinagot ng GMA News anchor.
Ilang netizens ang humiling na banggitin ni Arnold ang ospital na tinutukoy upang makumpirma raw ang alegasyon ng frontliners.
Dagdag pa ng netizen, "kasi kung fake news yan, d maganda ipagkalat yan at magcacause ng panic"
Sagot ni Arnold: "Inaaksyunan na."

Tugon ni Arnold sa isa pang netizen: "Hindi po. May proper action na po ang DOH."

Suhestiyon ng ibang netizens, i-report ito ni Arnold sa mga kinauukulan, gaya ng Inter-Agency Task Force (IATF)-COVID-19.
Sabi rito ni Arnold: "alam na nila."


Isang netizen ang nagbantang papapanagutin nito ang broadcaster kung mapatunayang "fake or hearsay" ang impormasyon.
Buwelta ni Arnold: "ako pa ang mananagot?"

Tanong uli ng parehong netizen, "bkt hindi nio po ibroadcast s station niyo pra mlaman ng lhat wl pong mawawala di b.
"Naun po kinocontact ko un hospital n sinbi dito pra malaman un totoo.
"Its very alarming ngaun pa po b magsisinungaling ang gobyerno stin, alam b ng Pangulo to?"

Tugon ni Arnold: "Sabado de Gloria ngayon. Walang on air. Wag kang mag-alala. Pinaiimbestigahan na ni Sec. Duque."

ARNOLD CLAVIO TRENDS ON TWITTER
Dahil sa impormasyong isiniwalat ni Arnold ay naging No. 1 trending topic siya sa Twitter ngayong gabi.

Tulad ng inaasahan, magkahalo ang reaksiyon ng Twitter users sa posts ni Arnold—may mga tumuligsa at may mga sumang-ayon.
Narito ang ilan sa mga komento ng mga tumuligsa:



Ito naman ang ilan sa mga komento ng sumang-ayon sa kanya:




DOH DENIES ARNOLD’S EXPOSÉ
Samantala, mariing pinabulaanan ng Department of Health ang mga impormasyong ibinahagi ni Arnold.
Itinanggi nitong may kautusan galing sa ahensiya na itigil ang pagri-report ng numero ng mga namatay na COVID-19 patients.
Iniimbestigahan na rin daw nito ang issue.
Narito ang buong pahayag ng DOH:
"It has come to the attention of the Department of Health (DOH) that a hospital based in Metro Manila was allegedly instructed to stop counting COVID-19 deaths.
"This allegation was originally published in the Instagram post of Mr. Arnold Clavio and several posts and screenshots have been circulating online since.
"We would like to clarify that DOH has never issued any order to stop the census or reporting of deaths, or any case related to COVID-19 to any health facility.
"All hospitals and health centers are mandated to report on consultations and/or admissions and the status thereof, that fit the COVID-19 case definitions.
"We have spoken with Mr. Clavio on this matter, and DOH is currently investigating the allegations made. We will provide updates as soon as we can.
"On the issue of burying COVID-19 fatalities, the Department is closely coordinating with the Department of Interior and Local Government as well as local government units to ensure that the guidelines on the management of the dead are properly followed.
"Pasig City and Quezon City have already designated crematoriums to address this matter, we encourage other local government units to do this.
"We urge the public to exercise discretion when sharing information, to fact-check and verify first through DOH’s official channels and legitimate sources.
"We are committed to providing the public with verified, evidence-based information. The public may report similar COVID-19 issues to our 24/7 hotlines (02) 894-COVID and 1555 (free for all subscribers)."
ARNOLD DELETES SECOND POST, EXPLAINS SIDE
Matapos maglabas ng statement ang DOH, binura ni Arnold ang pangalawa niyang post sa Instagram.
Sa kanyang caption, sinabi ni Arnold na nagkausap na sila ni Secretary Duque.
Pinasalamatan niya ito at iba pang opisyal ng gobyerno dahil sa "mabilis na pagtugon" ng mga ito sa problemang ipinarating niya.
Mensahe ni Arnold: "Nagpapasalamat po ako sa mabilis na pagtugon ni Health Sec. Francisco Duque III at ng ilang opisyal ng gobyerno sa problemang ipinarating ko rito.
"Matapos po ang aming pag-uusap ni Sec. Duque, mayroon ilang bagay na kailangan pang mabigyan ng linaw."
Sinagot din ni Arnold ang akusasyong "fake news" ang kanyang ibinalita sa social media.
"Una, wala po akong Twitter account.
"Pangalawa, nilinaw ko po sa inyo na wala akong sinabi na nag-utos ang DOH na huwag nang mag-census ng mga namatay sa COVD19.
"Ano’ng idi-deny. Makikita ito sa frame #2. Ang tanong ko sa frame #3."
Ang tinutukoy ni Arnold ay ang screenshots ng mga mensahe mula sa frontliners ng isang ospital sa Metro Manila.
Hindi pa rin tinukoy ni Arnold ang ospital, pero naglabas daw ang East Avenue Medical Center ng statement na pinabubulaanang "may mga nakatambak na bangkay sa kanilang hallway."
Sabi naman ni Arnold: "Ang tanong po ng lahat, Bakit kinailangan ni Dr. Crystal Songcuan na mag post sa kanyang social media account (frame number #6) at ng ina ng isa pang frontliner (frame #5) na ang EAMC ay 'in dire need of cadaver bags' Personal pang sumulat si Dr. Songcuan kay Sen. Bong Go para rito.
"Ayon naman kay Sen. Go nakapagpadala na sila ng tulong sa EAMC."
Diin ni Arnold, verified ng tatlong direct witnesses ang kanyang impormasyon.
"Sa frame #8, gusto kong sabihin na bago ko po pinost ang problemang ito, tatlo po ang nakausap ko at nanindigan sa impormasyon na ipinarating nila sa akin.
"Verified information po ito dahil sila po ang direktang saksi."
Ibinalik ni Arnold ang pansin sa mga frontliner.
"Kung nais ko lang manlinlang o gumawa ng kuwento, bakit ko itinago ang mahahalagang impormasyon, tulad ng pangalan ng ospital, para sila [witnesses] ay proteksyunan?
"Labis na po silang nababahala at nag-aalala sa kanilang kaligtasan dahil araw-araw ay nadaraanan nila ang mga namatay sa COVID19 sa hallway."
Ayon pa kay Arnold, "Sa kasamaang palad, nababaluktot o pilit inililihis ang isyu.
"Kung talagang may regular na ulat sa DOH ang bawat government hospital sa bilang ng mga nangangamatay, kailangan pa bang magpatawag ng imbestigasyon?"
Mabuti na lamang daw na may mga cadaver bags na sa ospital.
"Sa ngayon, ang huling impormasyon ko, ay may mga dumating na cadaver bags at masisimulan na ang maayos na pagsunog ng mga bangkay.
"Yun ang mahalaga.
"Nagtataka lang ako sa last frame#9, kung itinuturing natin na bagong bayani ang mga frontliner bakit ngayon ay pinapalabas natin sila na sinungaling?
Sinabi pa ng veteran broadcast journalist, hindi siya ang isyu rito.
"Hindi kredibilidad ko ang nasa linya, kundi ang buhay ng mga frontliner na humingi ng tulong sa akin upang malabas ang totoo!"
THE THIRD POST
Nag-post muli si Arnold sa Instagram ng paglilinaw ngayong gabi.
Ipinaliwanag ng news anchor na kailangan niyang burahin ang kanyang naunang post "dahil makokompromiso ang kaligtasan ng ating mga frontliner."
Sabi pa niya, "Kaya muli ay ibabalik ko ang impormasyon na galing sa kanila at patuloy na pinaninindigan."
Nagparating din muli ng mensahe si Arnold sa mga nagsasabing "fake news" ang inilabas niya.
"Uulitin ko hindi po kredibilidad ko ang nasa linya, kundi ang buhay ng mga frontliner na humingi ng tulong sa akin upang malabas ang katotohanan, ang mga kwento, karanasan at pang araw araw nilang laban.
"Nakakalungkot pero madaling magtago sa likod ng mga katagang 'fake news'.
"Idilat nyo ang mga mata ninyo, at maitanong ko lang, bilang lider, tagapamuno, at kapitbahay ng naturang hospital, kailan kayo huling nagpunta sa EAMC para kausapin ang mga frontliner dito?"
Tanong ni Arnold sa mga mamamayan: "Kung ito ay ‘fake news’ bakit halos lahat sa gobyerno ay kumilos agad para pagtakpan ang pagkukulang na nailantad?
"Maaari naman palang agad-agad ay may solusyon. Ngayon, lahat kumikilos para ‘linisin ang kalat’.
"Muli, salamat sa pagdagsa ng tulong na mga cadaver bags para mailibing na nang maayos ang mga biktima ng COVID19.
"Isang mapait na katotohanan na hanggang kamatayan, mag-isa ka lang.
"Kaya manatili po tayo sa bahay, magsuot ng mask, maghugas ng kamay, mag-ehersisyo at kumain ng masustansiyang pagkain. #staysafe #stayhome
"Lord Ikaw na po ang bahala."
