Isang buwan nang naka-confine sa ospital si Sylvia Sanchez, pero matibay ang loob na hinaharap ng aktres ang sakit na COVID-19.
Ngayong Martes ng hapon, April 13, todo-ngiti si Sylvia na nagpalitrato sa dalawang doktor sa loob ng kanyang hospital room sa Cardinal Santos Medical Center, San Juan City.
Masayang balita pa ni Sylvia, gumaling na ang sakit niyang pneumonia, at gayundin ang lagay ng asawa niyang si Art Atayde.
Kaya laking-pasasalamat daw nila sa frontliners na sumubaybay sa kanila sa buong pagsubok na ito.
Pahayag ng 48-year-old actress, "Our heartfelt gratitude to these two doctors and the rest of their team for guiding me and my husband as we continue to fight COVID.
"Although we are clear from pneumonia, we continue to fight this sickness."
Kinunan na raw ulit sina Sylvia at Art ng COVID-19 test.
"I am one negative test away from going home," sabi ni Sylvia.
Sa dalawang doktor na sina Cindy Mangahas at Shishi Ariola, mensahe ng beteranang aktres: "With their help and with all your love and prayers, we are definitely on the road to recovery."
Tinawag din ni Sylvia na "#ourangels" ang frontliners na buwis-buhay na nagbibigay-lunas sa mga pasyenteng dinapuan ng virus.
Noong March 24 nagsimulang ma-confine sina Sylvia at Art sa ospital.
Pareho raw silang nagkaroon ng sintomas na "chills, shortness of breath, at cough."
Naging positibo raw ang kanilang COVID-19 swab test, kaya mula noon ay pareho na silang sumailalim sa self-isolation sa ospital.
Tila hiwalay ang hospital rooms ng mag-asawa.
Nanawagan din noon si Sylvia na i-monitor ng mga nakasalamuha nila kung dumanas din ang mga ito ng sintomas na katulad nila.
SYLVIA'S CHILDREN
Apat ang anak ng mag-asawang Sylvia Sanchez at Art Atayde: sina Arjo, Ria, Gelai, at Xavi.
Sina Arjo at Ria ang parehong sumunod sa yapak ni Sylvia sa showbiz.
Noong April 1, nagpasalamat si Ria sa bumuhos na mga mensahe mula sa mga taong ipinapanalangin ang mabilis na paggaling ng kanyang mga magulang.
