Magaang na tinanggap ni Agot Isidro, 53, ang sadyang pagpapakalat sa social media ng isang sketch ng namayapang si Palito na ang gustong tukuyin ay kamukha ng aktres ang komedyante.
Ibinase ang sketch sa isang litrato ni Agot na kuha noong August 2019, kung saan bagong gupit ang actress-singer.
Kumalat ang screenshot ng sketch sa Facebook kahapon, April 16.
Tulad ng inaasahan, nagpiyesta ang mga kritiko ni Agot sa pamba-bash sa kanya.
Sabi ng ilan, hindi raw nila alam na si Palito pala ang ama ni Agot.

Sa Twitter, tinukoy ni Agot ang "DDS" na sa tingin niya'y siyang may pakana ng sketch.
Ang DDS o Duterte Diehard Supporters ay ang mga masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kilala sila sa pagiging agresibo at walang kapaguran sa pagtuligsa sa mga kritiko ng Pangulo.
Kilala naman si Agot bilang mahigpit na kritiko ng Pangulo.
Kalakip ng kumalat na sketch niya, isang mensahe ang ipinarating ni Agot sa mga DDS.
Kung inaakala raw ng mga ito na na-offend siya, sinabi ng singer-actress na isang karangalan ngang maihambing kay Palito na isang legend.
Sabi ni Agot: “Dear DDS, If you think I am offended by this, I am not.
“Palito is a legend.
“I am quite honored, actually.
“So thank you for this.”
Pero sinabihan pa rin niya ang mga ito na umalis sa kanyang timeline.
Aniya, “But please, take your pea-brains out of my TL, because I am blocking you.
“My TL, my rules.”
NETIZENS DEFEND AGOT
Isa sa mga nagkomento sa post ni Agot ay ang kaibigang si Nikki Valdez.
Marami ring followers si Agot na nagtanggol sa kanya.
Patama nito sa mga kritiko ni Agot: "Ewan ko ba, bakit pinipilit nila yung analogy ng pwet at utak."
Binanatan naman ng isa pa ang bashers ni Agot.
Wala raw silang maisagot sa mga isyung pinupuna ng singer-actress kaya namimersonal na lamang ang mga ito.
Komento ng isa pa, sa kababawan daw ng mga nambabatikos kay Agot, hindi makasabay ang kanilang utak sa sagutan.
Sabi ng isa pa, ang mga taong natatalo sa argumento ay bigla na lang namemersonal.

May isa namang nagpatunay na isang mapagkumbabang tao ang namayapang senior comedian.
Sabi ng netizen, "Had the pleasure of meeting Palito way back in the 90's. My mom and I saw him at Wendy's Sucat Interchange.
"He was a low key, humble looking man. He even talked to my mom on our way back to the parking lot. Walang ka-ere-ere.
"God bless him. And you too, @agot_isidro."

WHO IS PALITO?
Si Palito, o Reynaldo Alfredo Hipolito sa tunay na buhay, ay isang komedyanteng namayagpag noong late '70s hanggang '80s at naging institusyon na sa Philippine comedy.
Dahil sa kanyang kapayatan, tinawag siyang Palito.
Nagsimula si Palito bilang sidekick noong 1970s.
Nong 1980s, nakagawa siya ng mga pelikulang siya mismo ang nagbida.
Kabilan dito ang Rambuto (1985) at No Blood, No Surrender (1986).
Ang mga pelikulang ito ay spoof ng hit movies ni Sylvester Stallone na Rambo at First Blood. Malinaw namang pinaglalaruan dito ang contrast sa katawan ni Stallone at ni Palito.
Ang huling pelikula ni Palito ay ang M.O.N.A.Y. (Misteyks Obda Nesyon Adres Yata) ni Mr. Shooli noong 2007, sa ilalim ng Onabru Films.
Ilan pa sa mga nagawa niyang pelikula bago siya pumanaw ay ang Enterpol (2004), Home Along da River (2002), Tik Tak Toys: My Kolokotoys (1999), at Wow… Multo! (1997).
Sa telebisyon naman ay naging bahagi siya ng mga programang Home Along da Airport (2003-2005) at Quizon Avenue (2005-2006) sa ABS-CBN.
Si Palito ay pumanaw, sa edad na 76, noong April 12, 2010, dahil sa kumplikasyon sa sakit sa baga.
