Pumanaw na ang veteran Japanese anime voice actor na si Keiji Fujiwara noong Linggo, April 12.
Cancer ang ikinamatay ni Fujiwara. Siya ay 55-anyos.
Kinumpira ng talent agency na itinayo ni Fujiwara, ang Air Agency, ang malungkot na balita.
Ayon sa ulat ng animenewsnetwork.com, pribado ang ginawang burol at libing para sa aktor.
Si Fujiwara ang nagbigay-buhay sa mga sumusunod na sikat na Japanese anime characters: Leorio (Hunter x Hunter), Hiroshi Nohara (Crayon Shin-chan), Maes (Fullmetal Alchemist), at Holland (Eureka 7).
Siya rin ang nagboses kay Robert Downey Jr., bilang Iron Man/Tony Stark, sa Hollywood hit movie na The Avengers (2012), at sa animation na Marvel Anime: Iron Man (2010), nang isalin ito sa Japanese.
Si Fujiwara ay naging voice talent ng higit 200 anime series sa loob ng halos 30 taon.
Naging bahagi rin siya ng iba pang animes na tinangkilik sa Pilipinas gaya ng Ranma ½ (1992), Samurai X (1995), B’t X (1996), Naruto (2005), at Deathnote (2006).
Augusto 2016 nang ianunsiyo ang pansamantalang pagbabakasyon ng voice actor sa trabaho upang magpagamot sa karamdamang hindi ibinunyag noon.
Bumalik siya sa trabaho noong June 2017.
Si Keiji Fujiwara ay isinilang sa Tokyo, Japan, noong October 5, 1964.
Itinatag niya ang Air Agency talent management noong 2006, at nanatiling representative director hanggang sa kanyang pagpanaw.
