Sylvia Sanchez finally home after beating COVID-19: “Hindi biro…nagmuntik-muntikanan na ako...”

by Jet Hitosis
Apr 17, 2020
Actress Sylvia Sanchez is finally home after recovering from COVID-19: “Iniisip ko lang talaga ang mga anak ko. Hindi pa ako handang iwan. Sabi ko, ‘Lord, di pa ako ready.’”
PHOTO/S: Sylvia Sanchez on Facebook

Nakauwi na sa kanyang bahay ang aktres na si Sylvia Sanchez matapos siyang tuluyang gumaling sa coronavirus disease.

March 31 nang magpositibo sa virus si Sylvia, 48, at ang asawa niyang businessman na si Art Atayde, 54.

Pero matapos dalawang beses na nagnegatibo sa virus ang beteranang aktres, kumpirmadong COVID-free na siya ngayon.

Sa Facebook post ni Sylvia nitong Huwebes, April 16, makikita ang litrato niya na nasa loob ng kanyang kuwarto.

Sa caption, nagpasalamat ang aktres sa Diyos at sa lahat ng nagdarasal para sa kanilang mag-asawa.

Ayon kay Sylvia, ilang araw pang mananatili sa ospital ang mister niyang si Art para sa isa pang test.

Sa Cardinal Santos Medical Center, sa San Juan City, na-confine sina Sylvia at Art.

Kailangan na dalawang beses magnegatibo sa COVID-19 test ang isang pasyente bago masabing magaling na ito sa virus at hindi na makakahawa.

Sa kaso ni Art, isang beses pa lang nagnegatibo ang swab test nito.

Continue reading below ↓

Kailangang magnegatibo uli ang susunod na COVID-test ni Art upang makauwi na rin siya.

Caption ni Sylvia: “SALAMAT SA DIYOS! Nakauwi na po ako matapos mag negative sa COVID19!

“Ang asawa ko po ay kailangan pang manatili ng 2-3 araw sa ospital para sa isa pang test.

“Maraming maraming salamat sa inyong mga dasal! [three praying hands emojis]”

Continue reading below ↓

RECOVERED FROM PNEUMONIA IN TWO WEEKS

Sa Instagram post naman niya noong April 13, ibinalita ni Sylvia na napagaling na ng mga doktor ang pneumonia nilang mag-asawa.

Sa litrato, makikitang ngiting-ngiti si Sylvia habang naka-peace sign sa pagkakaupo sa hospital bed.

Katabi ni Sylvia ang dalawa niyang doktor, na parehong nakangiti at naka-peace sign din.

Sa caption, nabanggit ni Sylvia, “I am one negative test away from going home.”

Continue reading below ↓

Sa ganda ng ngiti ni Sylvia sa picture, walang makapagsasabing umabot pala sa punto na naging kritikal ang lagay niya.

“NAGMUNTIK-MUNTIKANAN NA AKO, E”

Ito ang isiniwalat ng beteranang aktres sa video-call interview sa kanya ng ABS-CBN News.

Nitong April 15, ipinost ni MJ Felipe sa Twitter ang video interview niya kay Sylvia.

Nang mga panahong iyon, nasa ospital pa si Sylvia, pero naka-empake at naghahanda na siyang umuwi sa kanilang bahay.

Bungad ng aktres, masaya siya na napagtagumpayan niya ang panganib ng COVID-19.

“Hindi biro yung dinaanan ko dito, e,” ibinunyag ni Sylvia.

“Nagmuntik-muntikanan na ako, e.”

Kuwento ni Sylvia, hindi naging maganda ang reaksyon ng kanyang puso sa gamot na chloroquine.

Ang chloroquine ay gamot sa malaria na nagagawang pigilan ang pagpasok ng virus sa katawan ng tao.

Bagamat nakapagbigay-lunas na ito sa ilang COVID-19 patients, hindi pa kinikilala ng global medical experts na safe at epektibo ang gamot sa bagong virus.

Continue reading below ↓

Sa katunayan, nilinaw ni Philippine Society of Microbiology and Infectious Diseases President Marissa Alejandria na experimental drug lang ito.

Hindi raw aprubado ng ating Food and Drug Administration (FDA) ang chloroquine bilang gamot sa COVID-19.

Gayunman, aniya, itinuturing itong potential drug laban sa virus.

“Kapag nagdesisyon ang doctor na ibigay ang gamot sa pasyente, kailangang ipaliwanag sa pasyente na hindi pa ito ang established na gamot para sa COVID... possible benefits, side effects,” sabi ni Alejandria sa Philippine News Agency (PNA).

“May pipirmahan na informed consent,” dagdag ni Alejandria.

“PUWEDE KONG IKAMATAY IYON”

Batay sa kuwento ni Sylvia, naranasan niya ang delikadong side effects ng naturang gamot.

“Nung in-injection sa akin, hindi siya tinanggap ng katawan ko.

“Kung itinuloy iyong gamot na iyon, puwede akong ma-cardiac arrest.

“Puwede kong ikamatay iyon.”

Kasunod nito, ayon kay Sylvia, bumaba ang kanyang blood pressure at ang oxygen sa kanyang dugo.

Maliban dito, iniinda pa niya ang kanyang pneumonia.

Continue reading below ↓

“Meron akong pneumonia," patuloy na kuwento niya.

“At the same time, iyong COVID virus sa pneumonia, gumapang siya papunta sa puso ko.

“So, namaga pati puso ko, day one and day two.”

Dahil dito, binigyan daw si Sylvia ng ibang gamot para sa kanyang pneumonia.

Sinabi ni Sylvia na nang mga panahong iyon, nagkataong may urinary tract infection (UTI) din siya.

Doble raw tuloy ang infection na kinailangang gamutin ng mga doktor sa kanya.

Sa interview, kinumpirma naman ni Sylvia na naagapan ang pagkalat ng virus sa kanyang katawan.

Sa unang tatlong araw lang ng gamutan siya nahirapan sa paghinga.

Nagpapasalamat ang aktres na hindi umabot sa puntong na-intubate siya.

Pinahirapan lang daw talaga ang aktres ng side effects ng chloroquine sa puso.

SYLVIA DETERMINED TO GET WELL FOR HER CHILDREN

Sa kasagsagan ng gamutan, sinabi ni Sylvia na pinilit niyang magpakatatag para sa kanyang mga anak.

Apat ang anak nina Sylvia at Art: sina Arjo, 29; Ria, 28; Gela, 17; at Xavi, 10.

Continue reading below ↓

Tulad ng kanilang ina, nasa showbiz din sina Arjo at Ria.

“Iniisip ko lang talaga ang mga anak ko,” anang aktres.

“Hindi pa ako handang iwan.

“Sabi ko, ‘Lord, di pa ako ready.’”

At para masigurong hindi nila mahawahan ang kanilang mga anak, sinabi ni Sylvia na magse-self quarantine sila ni Art kapag nakauwi na sila ng bahay.

Gagawin daw nila ito sa loob ng 14 days.

Nagpahayag din si Sylvia ng kahandaang mag-donate ng plasma para magamot ang iba pang COVID-19 patients.

Sa huli, muling nagpasalamat si Sylvia sa lahat ng nagdasal para sa agarang paggaling nila ng mister niyang si Art.

Continue reading below ↓
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Actress Sylvia Sanchez is finally home after recovering from COVID-19: “Iniisip ko lang talaga ang mga anak ko. Hindi pa ako handang iwan. Sabi ko, ‘Lord, di pa ako ready.’”
PHOTO/S: Sylvia Sanchez on Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results