Inalerto ni Vice Ganda ang kanyang fans laban sa scammers na gumagamit sa kanyang pangalan.
Sa Facebook nambibiktima ang scammers, gamit ang page na may pangalang “Vice Ganda Family.”
Gamit ng page ang pictures ni Vice, 44, sa profile at cover photos nito.
Nangako ang scammers na magbibigay ng PHP5,000 cash sa mga apektado ng coronavirus disease o COVID-19 pandemic.
Ang naturang cash aid ay ipamimigay raw ng “Vice Ganda tulong center” ngayong Lunes, April 20.
WARNING AGAINST SCAMMERS
Pero inunahan na ni Vice, 44, ang scammers.
Bandang 3:46 ng hapon nitong Linggo, April 19, nang binigyang babala ng comedian-TV host ang kanyang 15.2 million followers sa Facebook.
Ipinost niya ang screenshot ng post ng scammers, at tinawag itong “FAKE!”
Caption ni Vice: “Mag-ingat po tayo sa mga fake news at mga scammer!”
Mababasa sa post ng scammers ang claim nito na “LEGIT PO KAMI.”
Ayon sa scammers, dahil sa dinaranas na krisis ngayon sa bansa ay “MAMIMIGAY KAMI TAG 5K SA BAWAT ISA SA INYU.”
Ibibigay raw ang pera sa pamamagitan ng money transfer service ng Palawan Express “AT SA GCASH NINYU BUKAS 11:30AM.”
Para maipadala ang ipinangakong pera, hinihingi ng scammers ang pangalan, address, at contact number ng tatanggap nito.
At heto ang catch (published as is): “BAGO SA LAHAT PA SHARE SA SAMPUNG GRUPO AT SA TIMELINE NYU ITO AT PA FOLLOW at LIKE NG PAGE NA ITO
“PAG TAPOS PAKI HINTAY NA LNG SA MESSAGE NAMIN
“GODBLESS SANA MAKATULONG ITO SA INYO.”
Ang modus ng scammers: Humakot ng followers para sa page nito.
Ang pagkakaroon ng lampas 10,000 followers ng isang Facebook page ay isa sa mga requirements para sa Facebook monetization eligibility.
Sa pagsilip sa profile ng "Vice Ganda Family" page, makikitang mayroon na itong 15,373 followers.

VICE’S FANS DO MASS REPORT
Gayunman, sa Twitter unang nag-post ang It’s Showtime host tungkol sa scam.
Halata ang panggagalaiti sa galit sa tweet ni Vice: “Mga manggagantso!!!! Mga demonyo!!! #SCAM”
Kalakip ng tweet ni Vice ang screenshot ng profile ng "Vice Ganda Family" page, gayundin ang Facebook post ng modus nito.
Nangako ang ilan sa 13.5 million Twitter followers ni Vice na ire-report ang Facebook page ng scammers.




At pagsapit ng pasado 10:00 ng gabi nitong Linggo ay hindi na nga matagpuan ang "Vice Ganda Family" page sa Facebook.
Nagtagumpay ang mass report ng fans ni Vice para maipatanggal ang nabanggit na Facebook page ng scammers.
Gaya ni Vice, nagalit din ang ilang Twitter users kung paanong nagagawa pa ng iba na manloko ng kapwa tao ngayong panahon ng krisis.




