Sinita ng mga netizens ang aktres na si Kim Chiu dahil sa hindi pagsusuot ng face mask nang lumabas siya ng bahay.
Sabado, April 18, nang lumabas si Kim sa kanyang bahay sa Quezon City.
Sinalubong ng aktres ang delivery ng 2,000 bags ng brand ng bihon na iniendorso niya.
Sa Instagram post ni Kim nang araw na iyon, sinabi niyang ang mga iyon ay donasyon ng kanyang iniendorsong noodle brand.
Nagpa-picture pa ang Love Thy Woman star nang sumampa siya sa likurang bahagi ng delivery truck.
Kalakip din sa post ang video ng pagdidiskarga ng ilang pahinante sa napakaraming bags ng bihon.
Sa harap ng bahay ni Kim, maayos na pinagpatung-patong ang mga ito, kahilera ang iba pang relief goods.
KIM RECEIVES BAGS OF BIHON FOR DONATION
Inaasahang ipamamahagi iyon ng aktres sa mga apektado ng coronavirus disease o COVID-19 pandemic.
Sa caption, todo-pasalamat si Kim sa kumpanyang nagbigay ng donasyon.
Post ni Kim (published as is): “A big shout out to @superq_bihon family
“thank you for sending 2000 bags full of noodles!!! [heart emoji]
“may God bless your generosity!!! [heart emoji]”
Gamit ang Visayan dialect, inulit ni Kim ang pasasalamat para sa aniya'y napakaraming donasyong noodles.
“salamat jud kaayo sa inyong gi hatag, daghan kaayo tag natagaan ganina! ! [praying hands emoji]
“thank you for your help! #proudbisaya #superQ”
Sa Cebu lumaki at nagkaisip si Kim, hanggang sa pasukin niya ang showbiz noong 2006.
Sumikat ang aktres matapos siyang maging big winner sa Pinoy Big Brother: Teen Edition ng taong iyon.
NETIZENS TELL KIM TO WEAR FACE MASK
Bagamat maraming netizens ang natuwa sa donasyong tinanggap ni Kim, ilan sa kanila ang nakapansing walang suot na face mask ang aktres.

Isang kapwa niya Bisaya ang nagtanong kay Kim kung bakit wala siyang mask habang namimigay ng donation.
Sinagot siya ni Kim na nasa bahay pa siya sa naturang mga litrato.

Pero kahit hindi na nag-reply ang netizen, pare-pareho ang obserbasyon ng iba pang nagkomento.
Sinita nila si Kim sa hindi pagsusuot ng face mask.
Anila, obligadong magsuot ng mask ang kahit sino basta lalabas ng bahay.



Alam naman daw siguro ng aktres ang matinding panganib na dala ng COVID-19.
Hindi raw dapat magpabaya si Kim sa sariling kaligtasan, dahil alam naman daw marahil ng Kapamilya actress na madaling maipasa ang virus.


Ang isang netizen, binati muna si Kim ng “happy birthday” ‘tsaka sinabing sana ay “well informed” ang aktres tungkol sa COVID-19.
Nagdiwang si Kim ng kanyang 30th birthday nitong April 19.

LIKE KIM, HELPERS DON’T WEAR MASKS
Kinontra rin ng ilang Instagram followers ni Kim ang pangangatuwiran ng aktres na kaya wala siyang mask ay dahil nasa labas lang siya ng bahay.
Anila, dapat ay nagsusuot ng mask si Kim tuwing lalabas ng bahay.
Tulad nang tanggapin ng aktres ang delivery ng mga bihon, at nagkaroon ito ng close contact sa mga nag-deliver.



Pinuna pa ng netizens na, tulad ni Kim, wala ring suot na face masks ang mga pahinanteng naghakot ng libu-libong bags ng bihon sa harap ng bahay ng aktres.



Paano raw sila nakakasigurong walang COVID-19 ang sinuman sa kanila, o ang nag-repack ng mga donasyong bihon?

Hindi na sinagot ni Kim ang iba pang nagkomento sa kanyang post.
Hindi ito ang unang beses na tumulong si Kim sa mga apektado ng pandemic.
Sa post ng aktres nitong March 30, makikita ang video nang namahagi siya ng relief goods sa 500 mahihirap na pamilya sa mga barangay na malapit sa kanyang bahay sa Quezon City.
Tumulong din si Kim sa paggawa ng 2,000 DIY (do-it-yourself) face shields para sa mga healthcare frontliners.
