Lagpas PHP8 million ang inabot ng hospital bills ni dating Senator Heherson "Sonny" Alvarez at ng kanyang asawang si Cecile Guidote-Alvarez.
Ito ang ibinunyag ng panganay nilang anak na si Hexilon Alvarez sa panayam ng DZMM ngayong Martes, April 21.
Ang dating senador at ang asawa nitong si Cecile ay sabay na na-admit sa Manila Doctors Hospital noong March 25, 2020.
Pareho silang nagpositibo sa COVID-19.
Binawian ng buhay si Heherson, sa edad na 80, kahapon, April 20.
Sa kabutihang palad, naka-recover naman si Cecile at nakalabas na ng ospital kagabi.
Pahayag ni Hexilon tungkol sa hospital bill ng kanyang mga magulang, “Alam niyo, napakalaki, napakalaki... kahit kami po ay nahirapan po sa gastos.
“Hindi rin naman po kami saksakan na may pera.”
Umaasa ang pamilya Alvarez na matulungan sila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Inanunsiyo ng ahensiya na sasagutin nito lahat ng gastusin ng COVID-19 patients na na-admit sa ospital bago mag-April 15.
Karamihan sa mga gumaling o kaya ay nasawi sa COVID-19 ay umaabot sa lagpas isang milyong piso ang bayarin sa ospital.
Dagdag pa ni Hexilon, “Alam mo, nagbabakasakali kami na baka ma-reimburse kami ng PhilHealth dahil napakalaki talaga ng gastos.
“Sabay pa silang napasok. Hindi namin napaghandaan.”
Buntung-hininga pa ni Hexilon tungkol sa kabuuang hospital bills ng kanyang mga magulang: “Rough estimate, over P8 million.”
Sa ulat naman ng inquirer.net, nilinaw ni Hexilon na ang P8 million ay pinagsamang hospital bills ng kanyang mga magulang.
Sabi pa niya, "I based this because [in] the first week, my sister had to make a deposit of P2.2 million, 50 pct (percent) of their running bill…
"Both of them were hospitalized for a month," sabi ni Hexilon sa text message.
Dagdag niya, “The P8 million was an educated estimated projection based on the 1st week of their hospitalization.”
“PILLAR OF STRENGTH”
Na-cremate na ang mga labi ni dating Senator Alvarez kahapon, April 20.
Base sa regulasyon ng Department of Health, kailangang mai-cremate sa loob ng labindalawang oras ang isang COVID-19 positive patient na namatay.
Ito’y upang maiwasang makapanghawa pa sa iba.
Sa panayam ng DZMM, ibinahagi ni Hexilon ang mga huling sandali ng kanyang ama.
“Nung nakita ko nga na pinasok si Dad sa loob ng… crematorium, naka-plastic na itim na body bag, napaiyak na lang din ako.
“Kasi sabi ko, ‘Somebody, isang tao katulad ng tatay ko, nakibaka, lumaban sa lahat, tapos ganito na lang ang mangyayari sa kanya.’
“Isang buwan siyang naano lang sa opsital, hindi niya nakakasama ang mga mahal sa buhay, hindi nakakausap.”
Si dating Senator Alvarez ay isa sa mga nakipaglaban laban sa rehimeng Marcos noong panahon ng martial law.
Ayon pa kay Hexilon, pilit daw na lumalaban ang tatay niya upang mabuhay.
Sabi niya, “Alam niyo, ang kuwento nga, e, si Dad, pag awake siya, pilit niyang hinihila yung kanyang tube, ayaw niya.
“So, sini-sedate, napipilitan yung mga doktor na i-sedate siya para kumalma siya kasi.
“Si Dad, napakaaktibong tao nun, e, na hindi makapali ‘yan.
"He always wants to do something, he’s very driven.
“And he was always, like, a pillar of strength to my sister, and myself, and my mother also.
“Alam mo, naging source siya ng lakas ng pamilya namin.”
Ang tinutukoy na kapatid ni Hexilon ay si Atty. Xilca Alvarez-Protacio.
ONE WITH COVID-19 VICTIMS
Dahil sa malungkot na sinapit ng kanyang ng ama, nakikiisa raw si Hexilon sa mga biktima ng COVID-19.
Sabi nito, “Hindi mo maieksplika yung mga nararamdaman ng mga kamag-anak dahil helpless talaga.
"Tapos, yung gastos pa."
Mensahe pa niya sa mga nakikidalamhati sa kanila:
“Maraming-maraming salamat din po sa lahat ng mga nakiramay sa pamilya namin.
"At sa lahat ng mga COVID patient, nakiisa po ako sa nararamdamdan ninyo.
“At sa mga frontliners po, maraming-maraming salamat, kayo talaga ang mga bayani.
“Seryosohin po natin itong COVID-19, hindi ito biro, traydor ‘to na sakit.
“Hindi dapat ginagawang ano na parang wala lang.
“It’s not worth it.”
