Hindi lang ang kakainin nila ang kanilang inaalala, pati na rin ang mga pamilya nilang naiwan sa kani-kanilang mga probinsiya.
Ito ang pangamba ng maraming construction workers na naipit simula nang magkaroon ng enforced quarantine sa buong Luzon bunsod ng COVID-19 crisis.
Nagsulputan ang maraming balita tungkol sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga construction workers na hindi makauwi sa kanilang mga probinsiya.
Marami sa kanila, inabandona ng kanilang mga employer.
At dahil tigil ang konstruksiyon, "no work, no pay" sila.
Karamihan sa kanila, umaasa na lamang na maambunan ng tulong ng iba.
Ganito ang nangyari sa mga na-stranded na construction workers sa University of the Philippines Diliman sa Quezon City.
Sa impormasyong nakalap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong weekend, lampas 400 trabahador ang naipit sa enforced quarantine.
Umabot pa raw sa puntong ang iba sa kanila ay kumain na ng daga at pusang gala para lamang may makain.
May isang grupo ng construction workers na tumutuloy ngayon sa barracks ng dating kinatatayuang Faculty Center sa UP.
Ayon sa isa sa mga construction worker, noong una ay binigyan sila ng kanilang employer ng tatlong sakong bigas.
Yung mga kasamahan nilang taga-Metro Manila ay nakauwi na, pero may 31 pa sa kanila ang naiwan dahil taga-probinsiya.
"Pinabayaan kami ng boss talaga namin. Kasi subcontractor lang kami dito," ani Restopher Quiachon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Lunes, April 20.
Tinawagan daw nila ang kanilang employer, pero hindi na ito nagbigay ng tulong.
Panawagan pa ni Restopher, "Sa pamilya namin, sana maintindihan niyo na wala kaming ano, wala kaming trabaho, wala sahod."
Sabi naman ng kasamahan niyang si Alvin Arapon, “Isang saingan na lang sa isang araw. Isang kain na lang.
"E, marami kami...
“Nabubuhay kami sa bigay. Kung walang nagbigay, matagal na kami namatay."

May mga organisasyon, barangay officials, at private individuals na may magandang loob na tumutulong sa kanila.
Isa na rito ang All U.P. Workers Union.
Ang naturang unyon ay bukas din sa mga gustong magpaabot ng tulong, at maaari silang kontakin sa pamamagitan ng kanilang Facebook page.
1.3 MILLION CONSTRUCTION WORKERS AFFECTED
Pero ang higit stranded 400 construction workers sa U.P. ay wala pa sa kalingkingan ng bilang ng mga naapektuhang construction workers sa buong Luzon.
Ayon sa Philippine Constructors Association (PCA), tinatayang 1.3 million construction workers sa Luzon ang naipit at naapektuhan bunsod ng enforced quarantine.
Sa Metro Manila lamang, “probable unearned salary is about P16 billion to P18 billion” dahil sa isang buwang pagtitigil ng trabaho, ayon pa sa PCA.
Ang ibang construction workers, sinabing may mga employers na nagbibigay sa kanila ng tulong pinansiyal simula nang ipatupad ang enforced quarantine.
Pero hindi lahat sa kanila ay ganito ang sitwasyon.
Marami ang inabandona ng kanilang mga employer.
Sa post ng Defend Jobs Philippines, ipinakita nito ang nakalulungkot na sitwasyon ng ibang construction workers ngayong may enforced quarantine.
Ang Defend Jobs Philippines ay isang non-stock at non-profit organization na binuo ng iba-ibang labor union, workers associations, at grupo ng urban poor.
Sa kanilang Facebook page, makikita ang pamimigay nila ng packed food sa mga walang tirahan at mga construction workers sa Parañaque at Pasay.
Noong Sabado naman, April 18, inabutan nila ng tulong ang mga na-stranded na construction workers sa Pasig City.
Nakarating daw sa kanila ang pag-viral ng mga larawan ng mga construction worker na ito na may placard na humihingi ng tulong.

BAYANIHAN IN TIME OF OF COVID-19 CRISIS
Nabanggit pa ng Defend Jobs Philippines na marami ring mga motorista ang nag-aabot ng tulong sa mga construction workers na ito sa Pasig.
Kabilang din daw sa nag-abot ng tulong sa kanila ang local government unit.
Ito ay matapos ang panawagan ng mga construction worker, at naiulat din sa pahayagan.
Sa ngalan ng bayanihan, maraming netizens ang nagpo-post sa social media para manawagan sa tulungan ang construction workers sa iba't bilang lugar.
Ang ibang netizens, ipinost ang pagbibigay nila ng tulong.
Pero panawagan ng Defend Jobs Philippines, higit pa rito ang kailangan ngayon ng mga stranded construction workers.
Pahayag nila sa kanilang Facebook post: “While we laud netizens for the outpouring support for them, we call on employers of various construction firms not to abandon and neglect their workers amid the COVID-19 pandemic.
“To date, as construction operations stopped during the enhanced community quarantine, hundreds of thousands of construction workers were stranded on their barracks, displaced and are on a no work, no pay policy.”
Ang naturang non-profit organization ay patuloy ang fundraising para matulungan ang nangangailangan ngayong may krisis.
Maaari silang makontak sa kanilang Facebook page.

ASSISTANCE FOR CONSTRUCTION WORKERS, THEIR FAMILIES
Samantala, may pahayag naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga pamilya ng mga construction workers na nasa probinsiya.
Ang mga pamilya ng mga manggagawang ito ay maaaring makakuha ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng paglapit sa DSWD at social welfare regional centers sa kanilang lugar.
“Ngayon, kung saan yung family ng mga construction workers, sila yung may lista doon at bibigyan ng subsidy,” ani DSWD Undersecretary Camilo Gudmalin sa ulat ng ABS-CBN News.
May pahayag din si Gudmalin tungkol sa mga construction workers na naipit sa Metro Manila.
Aniya, “Itong mga naiwanan, yung mga stranded sa Metro Manila, pwede silang makahingi ng assistance sa DSWD, pero hindi SAP [social amelioration program].
“Either it’s a form of family packs or financial assistance.”
