Nabatikos si Angeline Quinto dahil sa iniyayabang niya umano sa social media ang "tinatamasang karangyaan."
Nag-ugat ito sa Instagram post ng 30-year-old singer na may litrato ng mga nakakatakam na supply ng pagkain.
Nakalatag sa hapag-kainan ang mga fresh shrimps, squids, crabs, mussels, at malalaking bangus.
Mayroon ding lutong fried chicken at daing kasama ng itlog na pula, at iba't ibang klase ng prutas.
Sa caption, nagpasalamat si Angeline sa mga taong nagpadala sa kanya ng mga pagkain.
PRIVILEGED LIFE?
Komento naman ng netizen, hindi raw tamang ibalandra sa social media ang supply ng pagkain nila Angeline.
Lalo pa't marami raw ang naghihirap at halos walang makain ngayong may krisis.
Patuloy ng netizen (published as is): "Alam namin na pinaghihirapan ninyo ang mga tinatamasa ninyong karangyaan ngayon
"pero sa panahong ganito na ang mga pangkariniwang tao na dahilan kung bakit kayo yumaman ay sana wag na idisplay pa ang mga karangyaan
"lalo na mga pagkain sa panahong ang pinag kakasya nila ay ang mga relief na sardines at noodles lang araw araw."
Sana raw ay maintindihan ni Angeline ang nararamdaman ng ibang tao.
SHARING HER BLESSINGS
Sumagot ang Kapamilya singer.
Wala raw intensiyon si Angeline na magyabang sa kanyang kapwa.
Pahayag niya: "Naiintindihan po namin.
"Hindi po nawawala sa isip namin pasalamatan ang mga taong nag bigay din sa akin.
"Hindi naman po siguro masama yun."
Hindi rin daw nakalimutan ni Angeline na ipamahagi ang ibang mga pagkaing natanggap niya.
Paliwanag pa ng singer (published as is), "Opo marami pong pagkain ang nakikita niyo sa post na ito, pero halos ang iba po dyan ay na-iluto ko napo
"at naipamigay din sa ibang mga pulis at security guards na halos bente kwatro oras na nagtatrabaho sa labas.
"Hindi ko naman napo kailangan sabihin ito, pero para din po maintindihan ng bawat isa."

