Kinondena nina Enchong Dee at Janine Gutierrez ang pamamaril at pagpatay ng isang pulis sa isang quarantine violator.
Viral ngayon ang video ng nakasisindak na insidente.
Nangyari ang pamamaril malapit sa isang quarantine checkpoint sa Barangay Pasong Putik, sa Quezon City, nitong Miyerkules, April 22.
Isang retired Philippine Army soldier ang biktimang si Private First Class Winston Ragos, 34.
Ayon sa media reports, kabilang si Ragos sa mga sundalong nakipagbakbakan sa teroristang Maute Group sa Marawi City, Lanao del Sur.
Tumagal ng limang buwan ang bakbakan, na sumiklab noong May 23, 2017, at nagtapos noong October 23 ng parehong taon.
Napaulat na dumaranas ng post-traumatic stress disorder si Ragos.
Epekto raw ito ng deployment nito sa Marawi, ayon pa rin sa media reports.
Samantala, kinilala naman ang namaril na pulis na si Police Master Sergeant Daniel Florendo ng Quezon City Police District (QPCD)-Station 5.
THE DISTURBING VIRAL VIDEO
Sa video, makikitang pinadadapa ng mga pulis si Ragos.
Pinagsususpetsahang quarantine violator ang dating sundalo.
Nakatalikod si Ragos sa mga pulis habang nakataas sa ere ang magkabilang kamay.
Pero hindi dumapa si Ragos, at tuloy tinutukan siya ng baril ni Florendo.
Biglang humarap si Ragos at sininghalan si Florendo.
Kalaunan, akmang may bubunutin si Ragos sa kanyang sling bag.
Dito na siya dalawang beses na binaril ni Florendo.
Mismong grupo ni Florendo ang nagsugod sa ospital kay Ragos.
Pero binawian din ito ng buhay.
ENCHONG: “MALING MALI”
Miyerkules ng gabi nang ni-retweet ni Enchong, 31, ang naturang video.
Maikli pero may diin ang caption ng actor-model-swimmer: “Maling mali to.”
Magkahalo ang naging reaksiyon ng mga Twitter followers ni Enchong.
May mga sumang-ayon sa aktor, at sinabing hindi dapat pinatay ni Florendo ang isang may sakit sa pag-iisip.



Ang isang netizen, iginiit na dapat managot ang pulis sa nangyari.

Kumampi naman sa pulis ang ilang Twitter users.
Napanood daw ba ni Enchong ang buong video para sabihing mali ang ginawa ng pulis?
Hindi raw ba mali rin na nasa labas ng bahay si Ragos gayong may quarantine?


Tanong nila, kung si Florendo ba ang napatay ni Ragos, sasabihin pa rin ni Enchong na mali ang nangyari?


Hindi sinagot ng aktor ang alinman sa mga nagkomento.
JANINE: “HEARTBREAKING”
Isa namang teaser tweet ng Kapuso broadcast journalist na si Atom Araullo ang ni-repost ni Janine, 30.
Ipinost ni Atom ang key points ng pagkamatay ni Ragos, na tatalakayin sa online news program ng journalist, ang Stand For Truth.
Mababasa sa caption ni Janine: “Unbelievable and heartbreaking.”
Nanindigan ang ilang nagkomento sa tweet ni Janine na tama lang ang ginawa ng pulis.


Nagkaroon daw ng kakulangan sa panig ng mga kaanak ni Ragos nang pabayaan itong gumala-gala sa kalye gayung may enforced quarantine.

PNP, ARMY TO LAUNCH PROBE
Gaya ng inaasahan, kinampihan ng Philippine National Police (PNP) si Florendo.
Sa kanyang pahayag sa media, sinabi ni Police Brigadier General Bernard Banac na “judgment call” ang ginawa ng pulis upang depensahan ang sarili laban kay Ragos.
Si Banac ay spokesperson ng PNP.
“P/MSgt. Florendo was the only person in the best position to make that judgment call, better than any observer, viewer and opinionated analyst with 20/20 hindsight,” sinabi ni Banac sa media.
“Had he erred in his judgment, he could possibly be the cadaver in the body bag,” dagdag niya.
Nakasaad din sa report ng QCPD na may natagpuan umanong .38 caliber revolver sa sling bag ni Ragos.
Dito ay lumihis na ang kuwento. Sapagkat, iginiit ng pamilya ng dating sundalo na wala itong .38 caliber revolver.
Matapos ay sinabi ni Banac na iniutos ni PNP Chief General Archie Gamboa sa QCPD na imbestigahan ang insidente.
Pinaiimbestigahan din ni Philippine Army Chief Lieutenant General Gilbert Gapay ang nangyari.
Hangad daw ni Gapay na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ragos.
MGA IMPLIKASYON NG INSIDENTE
Ang katanungan dito ay: Anong training—at anong instructions—meron ang mga pulis na nakatalaga sa ating checkpoints?
Wala ba silang alam na ibang paraan para magapi ang isang lumalabag sa quarantine?
Kung baril at bala lang ang tanging tugon nila sa isang violator, hindi malayong marami pang mamamatay sa checkpoints natin.
Baka mangyari pang lumapit ang numero ng malalagas ang buhay dahil nag-violate ng quarantine, kaysa sa mga na-quarantine at napatay pa rin ng killer virus.
