Maipagmamalaki raw ni Sharon Cuneta, 54, na kahit kailan ay hindi siya nalulong sa masamang bisyo, gaya ng alak, droga, at pagliliwaliw.
Kahit daw noong maghiwalay sila ng kanyang unang asawang si Gabby Concepcion, hindi niya inaksaya ang kanyang buhay.
Bagkus, isinubsob daw niya ang sarili sa trabaho.
Naikuwento ng Megastar ang kabanatang ito ng kanyang buhay kamakailan.
Ipinost niya sa Instagram ang video clip ng behind-the-scenes ng pelikulang Pasan Ko Ang Daigdig, ang blockbuster hit ni Sharon noong 1987.

Iyon daw ang mga panahong may pinagdadaanan siya dahil naghiwalay sila ni Gabby.
Nang gawin ang pelikula, malaking hamon daw sa kanya na kailangan niyang manatili sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila.
Gumanap si Sharon bilang si Lupe Velez, isang mahirap at nangangalakal ng basura.
Pero ni minsan daw ay hindi nagreklamo si Sharon sa lahat ng ipinagawa sa kanya ng direktor niyang si Lino Brocka.
Si Lino ay respetadong local film director na pumanaw noong May 1991 sa edad na 52.
“Hindi talaga ako maarte," simula ng actress-host sa comments wall ng kanyang Instagram account nang i-post niya ang nabanggit na video clip.
“Walang tanong-tanong basta di ko ikamamatay! Hahaha!
“Masunurin talaga akong bata noon pa.”
Kuwento pa niya (published as is): “Two weeks na kami hiwalay ni Gab chaka lang nalaman ni Direk kasi nakasabay ko sa elevator ng condong inupahan namin ni KC si Boy C. de Guia na friend ni Lino!”
“Kundi, wala pang makakaalam.”
Sina Sharon at Gabby ay ikinasal noong September 23, 1984.
Ipinanganak ni Sharon ang anak nila ni Gabby na si KC Concepcion noong April 7, 1985.
Pagkalipas ng dalawang taon, naghiwalay sila.
Si Sharon ay 21 anyos lamang noon.
SHARON: “YOU CANNOT LOVE WITH AN EMPTY HEART”
Nang dumating ang movie project, ibinuhos lahat ni Sharon ang kanyang atensiyon dito.
Pinigil niya ang anumang sakit sa loob na nararamdaman at hindi nagreklamo sa kahit anong ipinagawa sa kanya sa pelikula, gaya ng paggulong sa basura.
“I used my work as my main distraction and focused all my energy into my job,” pagbabahagi ng Megastar.
“Always arrived on time or earlier.
“Never acted depressed- I suppressed my depression! Hahaha!”
Hindi raw siya nagpadala sa paghihiwalay nila ni Gabby at hindi nalulong sa anumang masamang bisyo.
“Dasal at tiwala sa Diyos,” ani Sharon.
“At i-focus ang energies sa positibong bagay na makakatulong sa buhay mo, di makakasira.
“Kaya NEVER – alam ni Lord – akong nagdrugs, o uminom ng alak o naging party girl!
“Never been self-destructive.”
Sabi pa ng actress-host: “No person in the world is worth destroying yourself for!
“Remember that.
“Love yourself.
“Para may love kang mabigay sa iba.
“You cannot love with an empty heart! [heart emoji]”

Kahit ngayon, ganito pa rin ang ginagawa ni Sharon kapag mayroon siyang mabigat na pinagdadaanan.
“I am still so the same until now.
“Pag may personal na problema, WORK!" kwento niya.
“Pero nadagdagan na ng isa pa pa-LIPAD! BAKASYON! LUMAYO!!!
“Huwag papatalo sa problema.
“Lilipas din lahat ng paghihirap ng puso at buhay.
“Proven ko na yan.”

Sa ngayon ay may iba nang pamilya si Sharon.
Ikinasal sila ni Senator Kiko Pangilinan noong April 28, 1996.
Nabiyayaan sila ng tatlong anak: sina Frankie, Miel, at Miguel.
