Nakatanggap ng sari-saring batikos ang singer at Camarines Sur Vice-Governor Imelda Papin.
Ito ay matapos siyang lumabas at kumanta sa music video na "Iisang Dagat."
Ang "Iisang Dagat" ay inilabas ng Chinese Embassy sa Facebook page at YouTube channel nito nung Biyernes, April 24, 2020.
Kasama ni Imelda na umawit sa music video sina Chinese Diplomat Xia Wenxin, Filipino-Chinese singer Jhonvid Bangayan, at Chinese actor na si Yubin mula sa Chinese TV series na The Untamed.
Ang "Iisang Dagat" ay isinulat ni Chinese Ambasador Huang Xilian.
Layunin ng kanta na pagbuklurin ang mga mamamayang Pilipino at Chinese laban sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa mga nagsiawit sa music video, ipinakita rin ang ilang government officials katulad nina Pangulong Rodrigo Duterte, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., at Health Secretary Francisco Duque.
Naroon din ang mga nagsiratingan kamakailan na Chinese medical experts at Chinese diplomats.
"THE WEST PHILIPPINE SEA IS OURS ALONE!"
Inilabas ang music video sa gitna ng bagong isyu sa pagitan ng Pilipinas at China.
Kunektado ang bagong isyu sa pinag-aagawang mga isla at rehiyon sa West Philippine Sea.
Noong February 17, tinutukan ng isang Chinese warship ng "radar gun" ang Philippine vessel BRP Conrado Yap (PS39) habang ito ay patungong Rizal Reef Detachment sa West Philippine Sea.
April 20, ibinalita ng China Global Television Network ang pagtatayo ng dalawang bagong distrito ng China. Isinama sa dalawang distritong ito ang mga islang Spratly Island at Scarborough Shoal na parehong pag-aari ng Pilipinas.
Huwebes, April 22, ay nagsumite ng diplomatic protests ang Pilipinas laban sa mga aksyon na ito ng China.
"At 5:17 pm today the Chinese embassy received 2 diplomatic protests: 1. on the pointing of a radar gun at a Philippine Navy ship in PH waters & 2. declaring parts of Philippine territory as part of Hainan province—both violations of international law & Philippine sovereignty," sabi ni Foreign Affairs Secretary Locsin sa isang tweet noong araw rin na iyon.
Dahil sa mga kaganapang ito, hindi napigilan ng Pinoy netizens na mag-tweet at isiping "propaganda" ng China ang kantang "Iisang Dagat."
Kinuwestiyon din nila ang partisipasyon ni Imelda Papin dito at ikinonekta pa ang sikat niyang awiting "Isang Linggong Pag-ibig."

May isa pang netizen ang nagpahayag ng galit sa pagsasabing pag-aari talaga ng Pilipinas ang West Philippine Sea at dapat daw na mahiya si Imelda.

Makikita rin sa YouTube ang mga hindi magagandang pahayag ng Pinoy netizens sa "Iisang Dagat" music video.
Habang isinusulat ang artikulong ito, meron lang 1.4 thousand likes ang video at mas maraming dislikes sa bilang na 116 thousand.
Narito ang ilang mga paghihimutok ng Pinoy netizens:

IMELDA PAPIN DEFENDS "iISANG DAGAT"
Sinagot ni Imelda ang mga puna sa kanya ng netizens sa report na inilabas ng ABS-CBN News online.
Base sa palitan ng text message ni Imelda kay ABS-CBN entertainment reporter Mario Dumaual noong April 25, layunin daw ng kantang "Iisang Dagat" na magpagkaisa ang mga tao sa panahon ngayon.
"Dapat huwag bigyan ng kulay kasi mababa ang moral ng tao ngayon.
"Dapat sa pamamagitan ng boses ko ay tumaas ang moral ng ibang tao at makapagbigay-inspirasyon, na ngayon ang panahon na dapat magkaisa. Wala na munang away."
"Ang title 'Iisang Dagat' para ding isang mundo yan. Bakit i-criticize ang participation ko," sabi ni Imelda.
Iginiit ng 64-year-old singer na siya raw ay kinuha lamang ng Chinese Embassy upang magbigay-tinig sa kanta.
"Hayaan natin sila, ipagdasal ko na lang. Kasi hindi naman ako nagpresenta.
"Ako mismo ang kinuha... bilang chosen artist ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
"At ang message ng song, awitin ng pagkakaisa, pagtutulungan, at pag-asa.
"Bakit hindi sila kumibo sa mga tulong na binibigay ng China—doctors, protective equipment etc. Bakit ako?"
Dagdag pa niya na ipagdadasal na lamang niya ang mga bumabatikos sa kanya dahil hindi siya tumanggap ng bayad para sa proyektong ito.
"I pray for everyone and as Filipinos let us all pray together and healed as one! Hindi ako sumingil kahit isang centavo.
"For love and unity."