Mayor Vico Sotto says his ideal girl is someone smart and easygoing.
"Wala akong alam sa love!"
Ito ang natatawang sagot ni Pasig City Mayor Vico Sotto nang tanungin siya kung ano ang tingin niya sa pag-ibig.
Pero bago niya idinaan sa biro ay binanggit niya ang Bible verse na "Love is patient. Love is kind."
Dugtong na rin niya sa kanyang sagot, "Typical answer."
Nakapanayam si Vico sa online at radio show ng RX931.1 kasama ang hosts na sina Rico Robles at Karla Aguas kahapon, April 30.
Halatang iwas si Vico pagdating sa usaping love life dahil ni celebrity crush ay ayaw niyang magbanggit.
"Wala, ayoko 'yan!" natatawang iwas niya.
Wala rin siyang top of mind na international celebrity crush, kaya sabi niya, "Next time na lang 'yan."
Gayunman, marami ang nagtatanong kung ano ang ideal girlfriend niya.
Sa puntong ito ay mabilis sumagot ang alkalde.
Gusto raw niya ng babaeng "matalino" at "easygoing."
Patuloy niya, "Outside of work, I'm fairly relaxed. Hindi ako masyadong intense, except when I'm playing basketball."
Hilig daw kasi niya ang paglalaro ng basketball.
May taas na six feet at one inch si Vico, at isa raw sa nami-miss niya ay ang paglalaro ng basketball kapag may free time.
LIMITED TIME EVEN FOR FAMILY
Sa sobrang abala ni Vico sa trabaho, ni wala raw siyang panahon maka-bonding ang pamilya.
Si Vico ay anak ni Coney Reyes sa ex-partner nitong si Vic Sotto.
Sabi ng 30-year-old mayor, "Right now I live with my mom. I say hi and bye. We don't really get to talk that much. Five-minute conversartion, mahaba na yun."
Huling nakausap niya ang amang si Vic sa five-minute video call na ipinalabas sa Eat Bulaga, ang GMA-7 noontime show, noong Miyerkules, April 29.
Nagdiwang ng 66th birthday ang Eat Bulaga host.
"It was my dad's birthday the other day. We had a five-minute zoom call, that's it."
Sa kabila nito ay alam ni Vico na suportado siya ng kanyang mga magulang.

HOW HE SPENDS HIS leisure TIME
Sa libreng oras ni Vico, pinapanood daw niya ang 10-part documentary series na The Last Dance.
Tungkol ito sa basketball legend na si Michael Jordan, mula sa legendary NBA team na Chicago Bulls.
Nasa gitna pa lang daw ng Episode 3 ang alkalde.
Hilig din niya ang pagbabasa ng non-fiction books, tulad ng From Good To Great ni Jim Collins at Why Nations Fail nina Daron Cemoglu at James Rovinson.
Ano naman ang favorite movie niya of all time?
Napapangiting sagot ni Vico, "Zoolander. Gusto ko kasi pag nanonood ako ng movie, yung walang kuwenta lang, e. Ayoko nang masyado nag-iisip."
Ang Zoolander ay isang Hollywood action-comedy film tampok sina Ben Stiller, Owen Wilson, at Will Ferrel.
May Instagram post pa nga si Vico, noong June 2017, na nagpapakita na toddler pa lang siya ay marunong daw siya ng trademark pout ni Zoolander, na isang fashion model sa pelikula.

Pero sa Filipino movies, gusto raw niya ang Heneral Luna na pinagbidahan ni John Arcilla.
Mahalaga rin daw sa alkalde na may isang araw sa isang linggo na makatulog siya ng 10 oras.
Dahil sa weekdays ay madalas na tatlo o limang oras lang ang tulog niya.
"It is important to rest. We shouldn't glorify yung mga, 'Hindi ako natutulog for four days!'
"We need to recharge our bodies so we can be efficient in our work, even mentally."
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
