Isa-isang sinupalpal ni Korina Sanchez ang mga taong nagsasabing "karma" ng ABS-CBN ang pagpapasara ng gobyerno sa broadcast operations nito.
Hindi na mapapanood sa telebisyon at radyo ang lahat ng programa ng ABS-CBN simula kagabi, May 5.
Si Korina ay host ng weekly news magazine program na Rated K at dating news anchor ng primetime newscast na TV Patrol.
Bago sinagot ang netizens, nagpakawala si Korina ng maaanghang na salita sa umano'y panggigipit at pang-aabuso ng gobyerno sa Kapamilya network.
Diretsahan niyang binangga si Solicitor General Joe Calida, ang abugado ng Duterte administration, na naghain ng petition sa Supreme Court na tanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN noon pang February 2020.
Hindi raw niya akalaing wala puso si Calida, na dati raw kasama ng kanyang ina sa isang Bible study group.
Isang araw matapos mag-expire ng license to broadcast ng ABS-CBN, kakatwa raw na agarang inutos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang tigil-operasyon ng network.
Buwelta ni Korina: "Talaga? Ano namang, excuse me, abuso ito?
"SolGen Joe Calida used to be very close to my Mom Celia Sanchez. They attend the same Bible Study.
"Sino na kaya ngayon ang Diyos ni Calida? Pilit pinapasarado ang ABSCBN kahit labag sa batas?
"Kelan at paano kaya pwede ipakulong ang mga totoong abusado?"
Base ito sa Instagram post ni Korina kahapon, May 5.
Ang paniwala ni Korina, iniipit daw talaga ang ABS-CBN.
Taliwas sa cease-and-desist order ng NTC, binanggit niya ang pananaw ni Congressman Franz "Chicoy" Alvarez na nasa kamay ng Kongreso ang desisyon kung bibigyan o babawian ng prangkisa ang ABS-CBN.
Si Alvarez ay bahagi ng komite sa Kamara na nagpapasa ng mga panukala na mabigyan ng prangkisa ang isang kumpanya.
Ani Alvarez, napag-alaman niya ang "efforts" ni Calida na sapilitang suwayin ng NTC ang "ruling" ng Department of Justice na bigyan ng provisional permit ang ABS-CBN, habang pending pa sa Kamara ang franchise renewal nito.
Nitong Martes, May 6, may mga tumuligsa sa paninindigan ni Korina sa ABS-CBN sa comments section ng kanyang Instagram post.
KORINA SLAMS PEOPLE SAYING IT'S KARMA & RULE OF LAW
May mga nagsasabing "nangyari na ang karma" sa ABS-CBN.
Sagot ni Korina, "Excuse me. Hindi pa tapos ang karma dito."

Sabi naman ng isang netizen, tama lang na ipasara ang ABS-CBN dahil nilabag nito ang batas na libre dapat ang mga programang mapapanood sa Channel 2.
Binanggit pa nito ang reklamo ng Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of The Philippines (FICTAP), na maanomalya umano ang paniningil ng ABS-CBN sa pay-per-view channels sa ABS-CBN TV Plus.
Isyu raw ito ng "unfair competition" sa cable channels, na sadyang may bayad ang mga programa.
Bahagi pa ng pahayag ng netizen (published as is): "Plain and simple never estemated the Philippine Law...
"Ngayon lang sinusubukang itama, at nagkataon lang na mapapaso na ang franchise nila kaya nagkaroon ng ingay.
"stop blaming the Government!"
Tinabla ito ni Korina.
Pambabara ng broadcaster, "Oh Puhleeeez itama mo muna ingles mo o kaya magtagalog ka nalang kaya?"

May mga netizens ding kontra sa umano'y "press freedom" na inilalaban ng ABS-CBN.
Dapat daw aminin ng ABS-CBN na hindi ito exempted sa rule of law.
Pang-uusig ng netizen: "Does this mean our law is only applicable to the powerless like small vendors, ordinary people, marginalized people, etc?
"And ABS-CBN is exempted?
"Freedom of the process or freedom to supressman?
Buwelta naman ni Korina, ang Kongreso ang lumabag sa batas dahil hindi nito inaksyunan ang matagal nang nakabinbing 11 panukala para sa ABS-CBN franchise renewal.
Ni hindi rin daw dumaan sa Kongreso ang utos ng NTC na agarang ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN.
"Why dont you ask the congressmen who did not go through due process?
"Dear, PAG ARALAN MO MUNA ANG LAHAT NG BATAS HINDI YUNG BATAS NA GUSTO MO LANG GAMITIN. Period."

"Rule of law wins," hirit pa rin ng isang netizen.
Balik-sagot ni Korina, "Naaaaah... Calida broke the law."

ABS-CBN VS GMA-7 REPORTAGE
Sabi naman ng ibang commenters, kung tutuusin ay mas matapang daw ang GMA-7 kaysa sa ABS-CBN pagdating sa "pagiging kritiko" at "pagbanat sa mga tiwali" sa gobyerno.
"Hindi ako maka GMA pero wag niyo paikutin mga ulo ng tao tungkol sa malayang pamamamahayag na pinipilit niyo."
Giit ni Korina, ang isyu ay ang paninikil sa ABS-CBN sa pangunguna raw ni SolGen Calida.
Sagot ni Korina (published as is), "Ah dyan ka mali.
"Inikutan ni Calida ang kongreso.
"Pagbaralan mo muna siguro bago ka magkomento dito sa pahina ko."

May netizen na kumuwestiyon na kung ang isyu ay press freedom, "bakit hindi kinasasamaan ng loob ng gobyerno" ang GMA-7.
"Wag niyo nalang po ipilit ang press freedom kasi sabay naman po kayo ng GMA pumupuna sa mali ng gobyerno..."
Inulit ni Korina ang kanyang argumento na "labag sa batas" ang pagpapasara sa ABS-CBN, gayong pending pa sa Kamara ang franchise renewal nito.
"Read the law," dagdag ng batikang broadcaster.

on netizens calling her "oa, paawa effect"
Nagbunyi naman ang isang netizen na "totoong pagbabago" ang parusahan ang ABS-CBN.
"ano? What do u mean," ani Korina, na tila tinuya ang kawalan ng malinaw na pahayag ng netizen.

Paalala naman ng isa, hindi na raw dapat idinamay ni Korina ang Diyos sa kanyang mga argumento.
Sagot lang ni Korina, "Lord, pakitama po ang taong ito na nalilito. Amen."

"Iyak si koring," pang-aasar pa kay Korina.
Itinanggi ni Korina na umiyak siya dala ng kinasasadlakan ng ABS-CBN.
Aniya, "Ah hindi po. Napakasaya ko. Kasi malinaw na ngayon sa buong mundo sino ang mabuti at masama."

Hindi rin pinalampas ni Korina ang nagsabing "paawa effect" at "ginagamit" lang ng ABS-CBN na "human shields" ang 11,000 empleyado ng istasyon na apektado ng shutdown.
Wala raw alam ang netizen sa pinagdadaanan ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN.
"OH PULEEEEZ. Employee ka?" ani Korina.

Umani rin ng batikos si Korina na siya ay "mapagmarunong."
Pareho raw sila ni Karen Davila, news anchor ng late-night newscast ng Bandila.
"Anlayo ng utak mo NEGATRON," sabi na lang ni Korina.

Sinabihan pa si Korina na "OA" sa pagtatanggol sa ABS-CBN gayong may "kasalanan" naman daw talaga ang Kapamilya network.
Kahit nga raw tricycle driver ay "dinadakip" kapag nahuling paso ang lisensiya, kaya ganun din daw ang sitwasyon ng ABS-CBN na paso ang prangkisa mula nitong May 4.
Buwelta ni Korina, "Sis anlayo ng utak mo. Balik ka muna dito sa mother earth at lumapit ka bago ka mag komento."

"martial law"
Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Korina sa ABS-CBN supporters na nag-iwan ng mensahe sa kanya.
Ilan pa rito ay umalma sa umano'y "abuse of power" ng national government, tulad noong panahon ng panunungkulan ng yumaong diktador at Pangulong Ferdinand Marcos.
Hirit ni Korina, "It is the people who elected this government in officw."

Nag-aprub naman si Korina sa isa pang mensahe na nagsasabing malalampasan din ng ABS-CBN ang dinaranas nitong "oppression" mula sa gobyerno.

"INVISIBLE HAND"
Malaman din ang mga sagot ni Korina sa ABS-CBN supporters na ang hinala ay may "invisible hand" na may pakana ng panggigipit umano sa Kapamilya network.
"Yes," diretsahang sang-ayon ni Korina.

Pakiramdam ng isang netizen ay aprubado raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kagustuhan ni SolGen Calida na tanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Sagot ni Korina, "Posible."

Hindi kaila sa publiko na makailang-beses naghayag ang Pangulo na sisiguruhin niya ang tigil-operasyon ng radio at TV programs ng network.
Quoted ang Pangulo noong December 2019, "Ang iyong franchise mag-end next year. If you expect ma-renew 'yan, I'm sorry. I will see to it that you're out."
May kinalaman dito ang galit ng Pangulo sa hindi pag-ere ng ABS-CBN sa kanyang campaign ads noong 2016 elections.
Sa hearing sa Senado noong February 24, inamin ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak na PHP7M worth of ads ng Pangulo ang hindi naere noong 2016 elections.
Naubusan daw noon ng spots para sa local ads ng Pangulo apat na araw bago ang last day ng campaign period noon.
Sa ngalan ng ABS-CBN, nag-sorry si Katigbak at nilinaw na hindi intensiyon ng network na ma-offend ang Pangulo.
Tinanggap ng Pangulong Duterte ang apology ng ABS-CBN, pero nakasalalay raw sa Kongreso ang usaping franchise renewal ng network.
